Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 106:1-6

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.

Salmo 106:13-23

13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
    at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
    ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
    at sinamba nila ang dios-diosang ito.
    Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
    Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.

Salmo 106:47-48

47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
    at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
    upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    At ang lahat ay magsabing,
    “Amen!”

    Purihin ang Panginoon!

Deuteronomio 4:15-20

15 “Nang nakipag-usap ang Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai mula sa gitna ng apoy, wala kayong nakitang anyo ng Panginoon. Kaya bantayan ninyo ang inyong mga sarili 16 na hindi ninyo dudungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng anumang anyo o imahen ng dios-diosan – lalaki man o babae, 17 hayop na lumalakad o lumilipad, 18 gumagapang o nakatira sa tubig. 19 Huwag kayong maakit sa pagsamba sa mga bagay na nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. Ang mga ito ay inilagay ng Panginoon na inyong Dios para sa lahat ng mamamayan sa buong mundo. 20 Alalahanin ninyo na kinuha kayo ng Panginoon sa Egipto, ang lugar na katulad ng pugon na naglalagablab, para maging mamamayan niya, at ganyan kayo ngayon.

1 Pedro 2:19-25

19 Sapagkat pagpapalain kayo ng Dios kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban niya. 20 Pero kung parusahan kayo dahil sa ginagawa ninyong masama, wala ring kabuluhan kahit tiisin ninyo ito. Ngunit kung pinaparusahan kayo kahit mabuti ang ginagawa ninyo, at tinitiis ninyo ito, kalulugdan kayo ng Dios. 21 Ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, para tularan natin ang buhay ni Cristo. 22 Hindi siya nagkasala o nagsinungaling man. 23 Ininsulto siya pero hindi siya gumanti ng insulto. Pinahirapan siya pero hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Dios na humahatol nang makatarungan. 24 Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo. 25 Para tayong mga tupang naligaw noon, pero nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Tagapag-alaga at Tagapagbantay ng ating buhay.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®