Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
15 Bumaba si Moises ng bundok na dala ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Nakasulat ang mga utos sa harap at likod ng bato. 16 Ang Dios mismo ang gumawa at sumulat nito.
17 Nang marinig ni Josue ang kaguluhan ng mga tao, sinabi niya kay Moises, “Parang may ingay ng digmaan sa kampo.” 18 Sumagot si Moises, “Hindi ingay ng digmaan ang naririnig ko kundi ingay ng mga awitan.”
19 Nang malapit na si Moises sa kampo, nakita niya ang dios-diosang baka at ang pagsasayaw ng mga tao, kaya nagalit siya nang matindi. Inihagis niya sa paanan ng bundok ang malalapad na bato na dala niya, at nabiyak ang mga ito. 20 Pagkatapos, kinuha niya ang dios-diosang baka na ginawa nila, at sinunog ito. Dinurog niya ito nang pinong-pino at inihalo sa tubig, at ipinainom sa mga mamamayan ng Israel.
21 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ano ba ang ginawa ng mga tao sa iyo at pinabayaan mo silang magkasala?”
22 Sumagot si Aaron, “Huwag po kayong magalit sa akin. Alam nʼyo kung gaano sila kadaling gumawa ng kasamaan. 23 Sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng dios na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari sa taong si Moises na naglabas sa atin sa Egipto.’ 24 Kaya sinabi ko sa kanila na dalhin nila sa akin ang mga alahas nilang ginto. Nang madala nila ito sa akin, inihagis ko ito sa apoy at mula roon, nabuo itong baka.”
25 Nakita ni Moises na nagwawala ang mga tao at pinababayaan lang sila ni Aaron. Dahil dito, naging katawa-tawa sila sa mga kaaway nila sa palibot. 26 Kaya tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Sinuman sa inyo na pumapanig sa Panginoon, lumapit sa akin!” At nagtipon sa kanya ang lahat ng mga Levita.
27 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na isukbit ng bawat isa sa inyo ang mga espada ninyo, libutin ninyo ang buong kampo, at patayin ninyo ang masasamang taong ito kahit na kapatid pa ninyo, kaibigan o kapitbahay.” 28 Sinunod ng mga Levita ang iniutos sa kanila ni Moises, at nang araw na iyon 3,000 ang taong namatay. 29 Sinabi ni Moises sa mga Levita, “Ibinukod kayo ng Panginoon sa araw na ito, dahil pinagpapatay ninyo kahit mga anak ninyo at mga kapatid. Kaya binasbasan niya kayo sa araw na ito.”
30 Nang sumunod na araw, sinabi ni Moises sa mga tao, “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan. Pero aakyat ako ngayon sa bundok, doon sa Panginoon; baka matulungan ko kayong mapatawad sa inyong mga kasalanan.”
31 Kaya bumalik si Moises sa Panginoon at sinabi, “O Panginoon, malaking kasalanan po ang nagawa ng mga taong ito. Gumawa sila ng dios na ginto. 32 Pero ngayon, patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na lang ninyo ang aking pangalan sa aklat na sinulatan nʼyo ng pangalan ng inyong mga mamamayan.”
33 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kung sino ang nagkasala sa akin, ang pangalan niya ang buburahin ko sa aklat ko. 34 Lumakad ka na at pangunahan ang mga tao papunta sa lugar na sinabi ko sa iyo, at pangungunahan kayo ng anghel ko. Pero darating ang panahon na paparusahan ko sila sa mga kasalanan nila.”
35 At nagpadala ang Panginoon ng mga karamdaman sa mga Israelita dahil sinamba nila ang dios-diosang baka na ginawa ni Aaron.
Mga Mahihirap at Mayayaman
9 Dapat ikagalak ng mga mahihirap na kapatid kay Cristo ang pagpaparangal ng Dios sa kanila. 10 Ang mga mayayaman naman na kapatid kay Cristo ay dapat ding ikarangal ang pagkakababa sa kanila ng Dios, dahil lilipas sila katulad ng mga bulaklak sa parang.[a] 11 Natutuyo ang mga damo sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang mga bulaklak nito, at kumukupas ang ganda. Ganoon din naman ang isang mayaman, mamamatay siya sa kasagsagan ng paghahanapbuhay niya.
Mga Pagsubok at Tukso
12 Mapalad ang taong nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok dahil pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang mga ito, tatanggapin niya bilang gantimpala ang buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios sa mga nagmamahal sa kanya. 13 Kung dumaranas ng tukso ang isang tao, hindi niya dapat isiping galing ito sa Dios, dahil hindi maaaring matukso ang Dios sa kasamaan, at hindi rin siya nanunukso sa kahit kanino. 14 Natutukso ang isang tao kapag nahihikayat siya at nadadala ng sariling pagnanasa. 15 At kung susundin niya ang pagnanasa niya, magbubunga ito ng kasalanan; at kung magpapatuloy siya sa kasalanan, hahantong ito sa kamatayan.
16 Kaya huwag kayong magpadaya, mga minamahal kong kapatid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®