Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 15

Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya

15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
    Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?

Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
    namumuhay ng tama,
    walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
hindi naninirang puri,
    at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
    ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
    Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
    at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
    Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.

Exodus 32:1-14

Ang Gintong Baka(A)

32 Nang mainip ang mga tao sa tagal ni Moises na bumaba ng bundok, nagtipon sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng dios[a] na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Egipto.” Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. Tinipon ni Aaron ang mga ito tinunaw, at hinugis na baka. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.”

Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Kumain sila at uminom at nilubos ang pagsasaya sa pagsamba sa dios-diosan.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Egipto. Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng dios-diosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa dios-diosang ito at sinabi, ‘Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.’ ”

At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10 Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Ikaw na lang at ang mga angkan mo ang gagawin kong dakilang bansa.”

11 Pero nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12 Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio? Na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto para patayin sa kabundukan at mawala sila sa mundo? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo sa kanila, huwag ninyo silang papatayin. 13 Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob[b] na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14 Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.

Santiago 1:1-8

Mula kay Santiago na lingkod[a] ng Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mahal kong mga mananampalataya na nagsipangalat saan man sa mundo.[b]

Ang Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid, magalak kayo sa tuwing dumaranas kayo ng mga pagsubok. Sapagkat alam ninyong nagdudulot ito ng katatagan sa inyong pananampalataya. Kaya tiisin ninyo ang mga pagsubok upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay nʼyo. Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Dios at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat. Ngunit dapat magtiwala ang humihingi at huwag magduda, dahil ang taong nagdududa ay katulad ng alon sa dagat na tinatangay at pinapadpad ng hangin. Ang ganitong tao ay hindi dapat umasa na may matatanggap mula sa Panginoon dahil nagdadalawang-isip siya at walang katiyakan sa mga ginagawa niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®