Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 36

Ang Kasamaan ng Tao at ang Kabutihan ng Dios

36 Pumapasok sa puso ng masamang tao ang tukso ng pagsuway,
    kaya wala man lang siyang takot sa Dios.
Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili,
    hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan para kamuhian ito.
Ang kanyang mga sinasabi ay puro kasamaan at kasinungalingan.
    Hindi na niya iniisip ang paggawa ng ayon sa karunungan at kabutihan.
Kahit siyaʼy nakahiga, nagpaplano siya ng masama.
    Napagpasyahan niyang gumawa ng hindi mabuti,
    at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.

Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
    ay umaabot hanggang sa kalangitan.
Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
    Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
    Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
    Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
    tulad ng pagkalinga ng inahing manok
    sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
    at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
    Pinapaliwanagan nʼyo kami,
    at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
    at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan ng mga mapagmataas
    o itaboy ng mga masasama.
12 Ang masasamang tao ay mapapahamak nga.
    Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon.

Genesis 47:13-26

13 Ngayon, malala na ang taggutom kaya wala nang pagkain kahit saan. Nanghina na ang mga tao sa Egipto at sa Canaan dahil sa gutom. 14 Tinipon ni Jose ang lahat ng perang ibinayad ng mga taga-Egipto at taga-Canaan na bumili ng pagkain, at dinala ito sa palasyo ng Faraon. 15 Dumating ang panahon na naubos na ang perang pambili ng mga taga-Egipto at ng mga taga-Canaan. Pumunta ang mga taga-Egipto kay Jose at sinabi, “Wala na po kaming pera. Kung maaari bigyan na lang ninyo kami ng pagkain dahil mamamatay na kami sa gutom.”

16 Sinabi ni Jose, “Kung wala na talaga kayong pera, dalhin nʼyo rito ang mga hayop ninyo at iyon ang ibayad ninyo sa pagkain ninyo.” 17 Kaya dinala nila kay Jose ang kanilang mga kabayo, tupa, baka at asno, at ipinalit ito sa pagkain. Sa loob ng isang taon, sinustentuhan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng kanilang mga hayop.

18 Pagkalipas ng isang taon, pumunta na naman ang mga tao kay Jose at nagsabi, “Hindi po maitatago sa inyo na wala na kaming pera at ang mga hayop namin ay nariyan na sa inyo. Wala na pong naiwan sa amin, maliban sa aming sarili at mga lupain. 19 Kaya tulungan nʼyo po kami para hindi kami mamatay at hindi mapabayaan ang mga lupain namin. Payag po kami na maging alipin na lang ng hari at mapasakanya ang mga lupain namin para may makain lang kami. Bigyan nʼyo po kami agad ng mga binhi na maitatanim para hindi kami mamatay at hindi namin mapabayaan ang mga lupain namin.”

20 Kaya ipinagbili ng lahat ng taga-Egipto ang mga lupain nila kay Jose dahil matindi na ang taggutom. Binili ni Jose ang lahat ng ito para sa hari, kaya ang mga lupaing iyon ay naging pag-aari ng Faraon. 21 Ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon ang mga tao sa buong Egipto. 22 Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi nabili ni Jose. Hindi nila kailangang ipagbili ang mga lupain nila dahil sinusustentuhan sila ng Faraon ng pagkain at ng mga pangangailangan nila.

23 Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayon na nabili ko na kayo pati ang mga lupain ninyo para sa Faraon, heto ang binhi para makapagtanim kayo. 24 Kapag aani kayo, ibigay ninyo sa Faraon ang 20 porsiyento ng ani ninyo. At sa inyo na ang matitira, para may maitanim kayo at may makain ang buong sambahayan ninyo.” 25 Sinabi ng mga tao, “Ginoo, napakabuti po ninyong amo sa amin; iniligtas nʼyo ang buhay namin. Pumapayag po kami na maging alipin ng Faraon.”

26 Kaya ginawa ni Jose ang kautusan sa lupain ng Egipto na ang 20 porsiyento ng ani ay para sa Faraon. Ang kautusang ito ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi naging pag-aari ng Faraon.

Marcos 8:14-21

Ang Pampaalsa ng mga Pariseo at ni Haring Herodes(A)

14 Nakalimutan ng mga tagasunod ni Jesus na magdala ng tinapay. Iisa lang ang baon nilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[a] ng mga Pariseo at ni Haring Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 17 Alam ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo? 18-19 May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba nang paghahati-hatiin ko ang limang tinapay para sa 5,000 tao? Ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Labindalawa po!” 20 Nagtanong pa si Jesus, “At nang paghahati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 tao ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!” 21 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan ang sinabi ko tungkol sa pampaalsa?”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®