Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
20 Nang marinig ito ni Saul, natumba siya at nasubsob sa lupa. Matindi ang takot niya sa sinabi ni Samuel. Hinang-hina rin siya sa gutom dahil hindi siya kumain buong araw at gabi.
21 Nilapitan ng babae si Saul. At nang makita niya na takot na takot si Saul, sinabi niya, “Mahal na Hari, tinupad ko na po ang ipinag-uutos ninyo sa akin kahit na alam kong nasa panganib ang buhay ko. 22 Nakikiusap po akong pakinggan ninyo ang inyong lingkod. Bibigyan ko kayo ng pagkain para manumbalik ang inyong lakas at makapagpatuloy kayo sa inyong paglalakbay.” 23 Pero tumangging kumain si Saul. Tinulungan ng mga tauhan ni Saul ang babae sa pagpilit sa kanya para kumain, at pumayag na rin siya. Tumayo siya mula sa lupa at naupo sa higaan. 24 Kinatay agad ng babae ang pinapataba niyang guya, nagmasa ng harina, at nagluto ng tinapay na walang pampaalsa. 25 Inihain niya ang mga ito kay Saul at sa mga tauhan nito, at kumain sila. Pagkatapos, umalis na rin sila nang gabing iyon.
Mamuhay Tayo para sa Ikabubuti ng Iba
15 Tayong malalakas sa pananampalataya ay dapat tumulong sa mga kapatid nating mahihina sa pananampalataya. Hindi lang ang sarili nating kapakanan ang dapat nating isipin, 2 kundi ang kapakanan din ng iba, para mapalakas ang kanilang pananampalataya. 3 Maging si Cristo ay hindi hinangad ang sariling kapakanan, kundi ayon sa Kasulatan, “Nasaktan din ako sa mga pang-iinsultong ginawa sa inyo.”[a] 4 Ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan noong unang panahon ay isinulat para turuan tayo. At sa pamamagitan ng Kasulatan, tayoʼy magiging matatag at malakas ang loob, at magkakaroon ng pag-asa.
5 Nawa ang Dios na nagpapalakas at nagbibigay sa atin ng pag-asa ay tulungan kayong mamuhay nang may pagkakaisa bilang mga tagasunod ni Cristo Jesus. 6 Sa ganoon, sama-sama kayong magpupuri sa Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®