Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24 at pinaulanan sila ng pagkain na tinatawag na manna.
Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25 Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at binigyan sila nito ng Dios hanggaʼt gusto nila.
26 Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27 Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28 Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.
29 Kaya kumain sila hanggang sa mabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Dios ang gusto nila.
3 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga tao, “Alalahanin ninyo ang araw na ito, ang araw na inilabas kayo sa Egipto mula sa pagkaalipin. Sapagkat inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 4 Alalahanin ninyo ang araw na ito ng buwan ng Abib[a] – ang araw na inilabas kayo sa Egipto. 5 Dapat nʼyo itong ipagdiwang kapag dinala na kayo ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hiveo at mga Jebuseo. Ito ang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Maganda at masaganang lupain[b] na ito. 6 Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw, at sa ikapitong araw ninyo sisimulang idaos ang pista para sa Panginoon. 7 Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw, at wala dapat makikitang pampaalsa sa inyo o kahit saan sa lugar ninyo. 8 Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, ipaliwanag nʼyo sa inyong mga anak na ginagawa ninyo ito para ipagdiwang ang ginawa ng Panginoon nang inilabas niya kayo sa Egipto. 9 Ang pistang itoʼy katulad ng isang tatak sa inyong mga kamay o sa inyong mga noo na magpapaalaala sa inyo na dapat ninyong sabihin sa iba ang mga utos ng Panginoon, dahil inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 10 Kaya ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa itinakdang panahon bawat taon.
Ang Babala ni Jesus tungkol sa Turo ng mga Pariseo at mga Saduceo(A)
5 Tumawid ng lawa si Jesus at ang mga tagasunod niya, pero nakalimutan ng mga tagasunod na magbaon ng pagkain. 6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[a] ng mga Pariseo at mga Saduceo.” 7 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 8 Pero alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan ang hindi ninyo pagdadala ng tinapay? Kay liit ng pananampalataya ninyo! 9 Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ko sa limang tinapay para mapakain ang 5,000 tao? Hindi ba ninyo naalala kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 10 Nakalimutan na rin ba ninyo ang ginawa ko sa pitong tinapay para mapakain ang 4,000 tao, at kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 11 Hindi ba ninyo naiintindihan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at Saduceo?’ ” 12 At saka lang nila naintindihan na hindi pala sila pinag-iingat sa pampaalsa kundi sa mga aral ng mga Pariseo at Saduceo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®