Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 23:1-6

Ang Pag-asang Darating

23 1-2 Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko! Kayo sana ang mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ng mga tupa, ngunit pinabayaan lang ninyo silang mamatay at mangalat. Kaya dahil sa pinangalat ninyo ang mga mamamayan ko at hindi nʼyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo. Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila pinangalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon. Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang hari na matuwid na mula sa angkan ni David. Maghahari siyang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito. Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’[a] At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.

Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Efeso 2:11-22

11 Alalahanin nʼyo ang kalagayan ninyo noon bilang mga hindi Judio. Ipinanganak kayong hindi mga Judio at sinasabi ng mga Judio na wala kayong kaugnayan sa Dios dahil sa hindi kayo katulad nila na mga tuli, pero ang pagkakatuling ito ay sa laman lang. 12 Alalahanin nʼyo rin na noon ay hindi nʼyo pa kilala si Cristo; hindi kayo kabilang sa mga mamamayan ng Israel at hindi sakop ng mga kasunduan ng Dios na batay sa mga pangako niya. Namumuhay kayo sa mundong ito ng walang pag-asa at walang Dios. 13 Ngunit kayo ngayon ay na kay Cristo na. Malayo kayo noon sa Dios, pero ngayon ay malapit na kayo sa kanya sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 At sa pamamagitan ng kamatayan niya, pinagkasundo niya tayo. Pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng paggiba sa pader na naghihiwalay sa atin. 15 Ang pader na giniba niya ay ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga tuntunin nito. Ginawa niya ito para pag-isahin ang mga Judio at hindi Judio, nang sa ganoon ay magkasundo na ang dalawa. 16 Ngayong iisang katawan na lang tayo sa pamamagitan ng kamatayan niya sa krus, winakasan na niya ang alitan natin at ibinalik niya tayo sa Dios. 17 Pumarito si Cristo at ipinahayag ang Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan sa inyong mga hindi Judio na noong unaʼy malayo sa Dios, at maging sa aming mga Judio na malapit sa Dios. 18 Ngayon, tayong lahat ay makakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Banal na Espiritu dahil sa ginawa ni Cristo para sa atin. 19 Kaya kayong mga hindi Judio ay hindi na mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kaisa na ng mga pinabanal[a] at kabilang sa pamilya ng Dios. 20 Tayong mga mananampalataya ay katulad ng gusali na ang mga haligi ay ang mga apostol at mga propeta, at ang pundasyon ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan ni Cristo, ang lahat ng bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. 22 At dahil kayo ay nakay Cristo, bahagi na rin kayo nitong gusaling itinatayo, kung saan nananahan ang Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.

Marcos 6:30-34

Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)

30 Bumalik ang mga apostol na inutusan ni Jesus na mangaral, at ikinuwento nila sa kanya ang lahat ng ginawa at ipinangaral nila. 31 Dahil sa dami ng mga taong dumarating at umaalis, wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iwan muna natin ang mga taong ito. Pumunta tayo sa ilang para makapagpahinga.” 32 Kaya sumakay sila sa isang bangka at pumunta sa isang ilang.

33 Pero marami ang nakakita at nakakilala sa kanila noong umalis sila. Kaya mabilis namang naglakad ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan papunta sa lugar na pupuntahan nina Jesus. At nauna pa silang dumating doon. 34 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila, dahil para silang mga tupa na walang pastol. Kaya tinuruan niya sila ng maraming bagay.

Marcos 6:53-56

Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(A)

53 Nang makatawid na sila sa lawa, dumating sila sa Genesaret at doon nila idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila, nakilala agad si Jesus ng mga tao roon. 55 Kaya nagmamadaling pumunta ang mga tao sa mga karatig lugar, inilagay sa mga higaan ang mga may sakit at dinala kay Jesus saan man nila mabalitaang naroon siya. 56 Kahit saan siya pumunta, sa nayon, sa bayan, o sa kabukiran, dinadala ng mga tao ang mga may sakit sa kanila sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Nagmamakaawa sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®