Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 142

Panalangin para Iligtas ng Dios

142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
    Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
    Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
    Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
    Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
    kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
    dahil wala na akong magawa.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
    dahil silaʼy mas malakas sa akin.
Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
    upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
    At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
    dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.

Amos 9:11-15

Muling Itatayo ang Israel

11 “Darating ang araw na muli kong itatayo ang kaharian ni David na tulad sa kubong nawasak. Aayusin ko ito sa kanyang pagkakagiba at itatayong muli kagaya noong una, 12 upang masakop ng mga Israelita ang natitirang lupain ng Edom at ang iba pang mga bansa na sinakop nila noon, na itinuring kong akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ang mga bagay na ito.”

13 Sinabi pa ng Panginoon tungkol sa mga taga-Israel, “Darating ang araw na magiging masagana ang kanilang ani, hindi pa nga nila natatapos ang pag-aani, sinisimulan na naman ang pag-aararo. At hindi pa natatapos ang pagpisa ng ubas, panahon na naman ng pagtatanim nito. Kung titingnan ang napakaraming ubas na namumunga sa mga bundok at burol, para bang dumadaloy ang matamis na bagong katas nito.[a] 14 Pababalikin ko ang mga mamamayan kong Israelita sa kanilang lupain mula sa pagkakabihag.[b] Muli nilang itatayo ang kanilang mga nasirang bayan at doon na sila maninirahan. Magtatanim sila ng ubas at iinom ng katas nito. Magtatanim sila sa kanilang mga halamanan, at kakainin nila ang mga bunga nito. 15 Patitirahin ko silang muli sa lupaing ibinigay ko sa kanila at hindi na muling paaalisin.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.

Lucas 7:31-35

31 Sinabi pa ni Jesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? 32 Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sinasabi sa kanilang kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay pero hindi kayo umiyak!’ 33 Katulad nila kayo, dahil pagdating dito ni Juan na nakita ninyong nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, sinabi ninyo, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 34 At nang dumating naman ako na Anak ng Tao, nakita ninyong kumakain ako at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ 35 Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon sa ipinapagawa ng Dios sa amin.”[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®