Revised Common Lectionary (Complementary)
8 Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
9 Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.
6 “Ako ang nagpadala sa inyo ng taggutom sa lahat ng inyong mga lungsod at bayan; pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
7 “Ako rin ang pumigil sa ulan sa loob ng tatlong buwan bago dumating ang anihan. Pinauulan ko sa isang bayan pero sa iba ay hindi. Pinauulan ko sa isang bukirin pero ang ibang bukirin ay tigang. 8 Dahil sa panghihina, pasuray-suray kayong naghahanap ng maiinom. Palipat-lipat kayo sa mga bayan sa paghahanap ng tubig, pero walang makuhang sapat. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
9 “Sinira ko nang maraming beses ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin at ng mga peste. Sinalakay ng mga balang ang inyong mga puno ng igos at olibo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
10 “Pinadalhan ko rin kayo ng mga salot katulad ng mga ipinadala ko sa Egipto noon. Ipinapatay ko ang inyong mga binata sa digmaan at ipinabihag ang inyong mga kabayo. Pinahirapan ko rin kayo sa baho ng mga patay sa inyong mga kampo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
11 “Nilipol ko ang iba sa inyo katulad ng ginawa ko sa Sodom at Gomora. At ang ilan sa inyo na nakaligtas ay parang panggatong na inagaw sa apoy. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
12 “Kaya muli kong gagawin ang mga parusang ito sa inyo na mga taga-Israel. At dahil gagawin ko ito, humanda kayo sa pagharap sa akin na inyong Dios!”
13 Ang Dios ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,[a] at siya rin ang nagpapalipas ng araw para maging gabi. Ipinapaalam niya sa tao ang kanyang mga plano at siya ang namamahala sa buong mundo. Ang kanyang pangalan ay Panginoon, ang Dios na Makapangyarihan.
Ang Pagsilang kay Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating na ang oras ng panganganak ni Elizabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Nabalitaan ng mga kapitbahay at mga kamag-anak niya kung paano siya pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.
59 Nang walong araw na ang sanggol, dumalo ang mga kapitbahay at mga kamag-anak sa pagtutuli sa kanya. Zacarias sana ang ipapangalan nila sa bata dahil iyon din ang pangalan ng kanyang ama. 60 Pero sinabi ni Elizabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 Sumagot ang mga tao, “Pero wala namang may ganyang pangalan sa pamilya ninyo.” 62 Kaya tinanong nila ang ama sa pamamagitan ng senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan sa sanggol. 63 Sumenyas siya na bigyan siya ng masusulatan. Pagkatapos ay isinulat niya, “Juan ang ipapangalan sa kanya.” Nagtaka silang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Dios. 65 Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon. 66 Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, “Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?” Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.
Ang Pahayag ni Zacarias
67 Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:
68 “Purihin ang Panginoong Dios ng Israel!
Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.
69 Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas mula sa angkan ng lingkod niyang si David.
70 Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.
71 Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin.
72 Kaaawaan niya ang ating mga ninuno, at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila
73 na ipinangako niya sa ninuno nating si Abraham.
74 Ayon nga sa kanyang kasunduan, ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo ay nabubuhay.”
76 Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,
“Ikaw naman, anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Dios,
dahil mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.
77 Ituturo mo sa mga mamamayan niya kung paano sila maliligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,
78 dahil maawain at mapagmahal ang ating Dios.
Tulad ng pagsikat ng araw, ipapadala niya sa atin ang Tagapagligtas 79 upang maliwanagan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.
At tuturuan niya tayo kung paano mamuhay nang may mabuting relasyon sa Dios at sa kapwa.”
80 Lumaki ang batang si Juan at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na nagsimula siyang mangaral sa mga Israelita.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®