Revised Common Lectionary (Complementary)
Dalangin para Kahabagan
123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
2 Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
3 Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
4 Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.
16 “Kaya Jeremias, huwag kang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag kang magmamakaawa o humiling sa akin para sa kanila, dahil hindi kita pakikinggan. 17 Hindi mo ba nakikita ang ginagawa nila sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 18 Ang mga kabataan ay nangangahoy, ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, ang mga babae ay nagmamasa ng harina para gawing tinapay para sa Reyna ng Langit.[a] Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang mga dios para galitin ako. 19 Pero ako nga ba ang sinasaktan nila? Hindi! Ang sarili nila ang sinasaktan at inilalagay nila sa kahihiyan. 20 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi, ‘Ipapadama ko sa lugar na ito ang matinding galit ko – sa mga tao, mga hayop, mga puno, at mga halaman. Ang galit koʼy parang apoy na hindi mapapatay ng kahit sino.’
21 “Sige, kunin na lang ninyo ang inyong mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, at kainin na lang ninyo ang karne. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang mga ninuno nʼyo, hindi ko lang sila inutusan na mag-alay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, 23 inutusan ko rin sila ng ganito: ‘Sundin ninyo ako, at akoʼy magiging Dios nʼyo at kayoʼy magiging mga mamamayan ko. Mamuhay kayo sa paraang iniutos ko sa inyo para maging mabuti ang kalagayan ninyo.’
24 “Pero hindi nila sinunod o pinansin man lang ang mga sinabi ko sa kanila. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. At sa halip na lumapit sa akin, lalo pa silang lumayo. 25 Mula nang umalis ang mga ninuno nʼyo sa Egipto hanggang ngayon, patuloy akong nagpapadala sa inyo ng mga lingkod kong mga propeta. 26 Pero hindi nʼyo sila pinakinggan o pinansin. Mas matigas pa ang mga ulo nʼyo at mas masama pa ang mga ginawa nʼyo kaysa sa mga ninuno ninyo.
7 Ang problema sa inyo ay tumitingin lamang kayo sa panlabas na anyo. Isipin nga ninyong mabuti! Kung may nagtitiwalang siyaʼy kay Cristo, dapat niyang isipin na kami man ay kay Cristo rin. 8 Kahit sabihing labis na ang pagmamalaki ko sa kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin, hindi ako nahihiya. Sapagkat ang kapangyarihang ito ay ginagamit ko sa pagpapalago sa inyong pananampalataya at hindi sa pagsira nito. 9 Ayaw kong isipin ninyo na tinatakot ko kayo sa aking mga sulat. 10 Sapagkat may mga nagsasabi riyan na matapang ako sa aking mga sulat, pero kapag harapan na ay mahina at nagsasalita ng walang kabuluhan. 11 Dapat malaman ng mga taong iyan na kung ano ang sinasabi namin sa aming sulat, ito rin ang gagawin namin kapag dumating na kami riyan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®