Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 88

Panalangin ng Nagdurusa

88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
    Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
    Para akong patay na inilagay sa libingan,
    kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
Sobra ang galit nʼyo sa akin,
    parang mga alon na humahampas sa akin.
Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
    Nakulong ako at hindi na makatakas.
Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
    Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
    Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
    Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
    Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
    Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
    Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
    Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
    wala akong naging kasama kundi kadiliman.

2 Hari 20:1-11

Ang Pagkakasakit ni Hezekia(A)

20 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.” Nang marinig ito ni Hezekia, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon. Sinabi niya, “Panginoon, alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak siya nang husto.

Nang hindi pa nakakaalis si Isaias sa gitna ng bulwagan ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka kay Hezekia, na pinuno ng mga mamamayan ko at sabihin mo ito: ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng ninuno mong si David: Narinig ko ang panalangin mo at nakita ko ang mga luha mo kaya pagagalingin kita. Sa ikatlong araw mula ngayon, makakabangon ka na at makakapunta ka sa templo ng Panginoon. Dadagdagan ko pa ng 15 taon ang buhay mo. Ililigtas kita at ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Iingatan ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil kay David na aking lingkod.’ ” Sinabi ni Isaias sa mga utusan ni Haring Hezekia na tapalan nila ang namamagang bukol nito ng dinurog na igos. Ginawa nga nila ito at gumaling siya.

Noong hindi pa gumagaling si Hezekia, nagtanong siya kay Isaias, “Ano ba ang magpapatunay na gagaling ako at makakapunta sa templo ng Panginoon sa ikatlong araw mula ngayon?” Sumagot si Isaias, “Ito ang tanda na ibibigay ng Panginoon na magpapatunay na tutuparin niya ang pangako niya. Pumili ka sa dalawang ito: Aatras ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan[a] o aabante ng sampung hakbang?” 10 Sumagot si Hezekia, “Mas madaling umabante ng sampung hakbang ang anino, kaya paatrasin mo na lang ito ng sampung hakbang!” 11 Kaya nanalangin si Isaias sa Panginoon at pinaatras ng Panginoon ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan na ipinagawa ni Ahaz.

Marcos 9:14-29

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

14 Pagdating nina Jesus sa kinaroroonan ng iba pa niyang mga tagasunod na naiwan, nakita nila na maraming tao ang nagtitipon doon. Naroon din ang ilang tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa mga tagasunod ni Jesus. 15 Nabigla ang mga tao nang makita nila si Jesus, at patakbo silang lumapit at bumati sa kanya. 16 Tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” 17 May isang lalaki roon na sumagot, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng masamang espiritu at hindi na makapagsalita. 18 Kapag sinasaniban siya ng masamang espiritu, natutumba siya, bumubula ang bibig, nagngangalit ang mga ngipin, at pagkatapos ay naninigas ang katawan niya. Nakiusap ako sa mga tagasunod nʼyo na palayasin ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 20 Kaya dinala nila ang bata kay Jesus. Pero nang makita ng masamang espiritu si Jesus, pinangisay niya ang bata, itinumba, at pinagulong-gulong sa lupa na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Kailan pa siya nagkaganyan?” Sumagot ang ama, “Mula pa po sa pagkabata. 22 Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa akin!” 24 Sumagot agad ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan nʼyo po ang pananampalataya ko!”

25 Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!” 26 Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!” 27 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.

28 Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®