Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 30

Dalangin ng Pagpapasalamat

30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
    dahil iniligtas nʼyo ako.
    Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinagaling nʼyo ako.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
    Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.

Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
    kayong mga tapat sa kanya.
    Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
    ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
    Maaaring sa gabi ay may pagluha,
    pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.

Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
    “Wala akong pangangambahan.”
Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
    Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
    Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.

Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
“Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
    Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
    Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
    Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”

11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
    Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
    at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
    Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.

Panaghoy 2:18-22

18 Mga taga-Jerusalem, tumawag kayo sa Panginoon. Umiyak kayo araw at gabi at paagusin ang inyong mga luha na parang ilog. Huwag kayong tumigil sa pag-iyak. 19 Bumangon kayo sa gabi at humingi ng tulong sa Panginoon. Ibuhos ninyo sa kanya ang laman ng inyong mga puso, na para kayong nagbubuhos ng tubig. Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa pananalangin para sa inyong mga anak na nawawalan ng malay sa mga lansangan dahil sa gutom.

20 Masdan nʼyo po kami Panginoon. Isipin nʼyo kung sino ang pinaparusahan nʼyo ng ganito. Dahil sa labis na pagkagutom, kinain ng mga ina ang mga anak nila na kanilang inaalagaan. Ang mga pari at ang mga propeta ay pinapatay sa inyong templo. 21 Nakahambalang sa mga lansangan ang mga bangkay ng mga bata at matatanda. Namamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki at babae. Sa inyong galit, walang habag nʼyo silang pinatay. 22 Niyaya nʼyo ang mga kaaway para kabi-kabilang salakayin ako, para kayong nagyayaya sa kanila sa handaan. Sa araw na iyon na ibinuhos nʼyo ang inyong galit, walang nakatakas o natirang buhay. Pinatay ng aking mga kaaway ang aking mga anak na isinilang at pinalaki.

Lucas 4:31-37

Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(A)

31 Mula roon, pumunta si Jesus sa bayan ng Capernaum na sakop ng Galilea. Nangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha ang mga tao sa mga aral niya dahil nangaral siya ng may awtoridad. 33 Doon sa sambahan ay may isang lalaking sinaniban ng masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba para puksain kami? Kilala kita! Ikaw ang Banal na sugo ng Dios.” 35 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At sa harapan ng lahat, itinumba ng masamang espiritu ang lalaki at saka iniwan nang hindi man lang sinaktan. 36 Namangha ang mga tao at sinabi nila sa isaʼt isa, “Anong uri ang ipinangangaral niyang ito? May kapangyarihan at kakayahan siyang magpalayas ng masasamang espiritu, at sumusunod sila!” 37 Kaya kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®