Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpupuri at Pagpapasalamat
65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
2 Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
3 Napakarami ng aming kasalanan,
ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
4 Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
ang inyong banal na templo.
5 O Dios na aming Tagapagligtas,
tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
6 Itinatag nʼyo ang mga bundok
sa pamamagitan ng inyong lakas.
Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
7 Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
ang hampas ng karagatan,
at ang pagkakagulo ng mga tao.
8 Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
Mula sa silangan hanggang kanluran,
ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
9 Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.
Natalo ng Israel ang mga Hari sa Timog
10 Nabalitaan ni Haring Adoni Zedek ng Jerusalem na inagaw ni Josue ang Ai at nilipol nang lubusan at pinatay ang hari nito, gaya ng ginawa niya sa Jerico at sa hari nito. Nabalitaan din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkaibigan na sa mga Israelita at namuhay kasama nila. 2 Natakot siya at ang mga tao sa kanyang nasasakupan dahil alam niya na ang Gibeon ay isang makapangyarihang lungsod na may sarili ring hari. Mas malaki pa ito sa Ai at ang mga sundalo nitoʼy mahuhusay makipaglaban. 3 Kaya nagpadala ng mensahe si Adoni Zedek kina Haring Hoham ng Hebron, Haring Piram ng Jarmut, Haring Jafia ng Lakish, at Haring Debir ng Eglon. 4 Ito ang mensahe niya, “Tulungan nʼyo akong lusubin ang Gibeon dahil nakipagkaibigan ito kay Josue at sa mga Israelita.” 5 Kaya nagkaisa ang limang hari ng mga Amoreo: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. Tinipon nila ang mga sundalo nila at nilusob ang Gibeon.
6 Nagpadala ng mensahe ang mga taga-Gibeon kay Josue sa kampo nito sa Gilgal. Sinabi nila, “Huwag nʼyo kaming pabayaan, kaming mga lingkod ninyo. Pumunta po kayo agad dito at iligtas kami. Tulungan nʼyo kami dahil pinagtutulungan kami ng lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa mga kabundukan.” 7 Kaya umalis si Josue kasama ang lahat ng sundalo niya, pati ang lahat ng mahuhusay makipaglaban. 8 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibibigay ko sila sa iyo. Wala kahit isa sa kanila ang makakatalo sa iyo.”
9 Buong gabing naglakad sina Josue mula sa Gilgal, at nilusob nila ang mga kalaban na walang kamalay-malay. 10 Sinindak ng Panginoon ang mga kalaban nang makaharap nila ang mga Israelita, at marami sa kanila ang pinatay doon sa Gibeon. Ang iba sa kanilaʼy hinabol at pinatay sa daang paakyat sa Bet Horon hanggang sa Azeka at Makeda. 11 Patuloy ang paghabol sa kanila ng mga Israelita habang bumababa sila galing sa Bet Horon. At nang papunta sila sa Azeka, pinaulanan sila ng Panginoon ng malalaking yelo at namatay sila. Mas marami pang namatay sa kanila sa yelo kaysa sa espada ng mga Israelita.
12 Nang araw na pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita laban sa mga Amoreo, nanalangin si Josue sa Panginoon. Pagkatapos, sinabi niya habang nakikinig ang mga Israelita, “Araw, tumigil ka sa taas ng Gibeon! Ikaw naman buwan, tumigil ka sa taas ng Lambak ng Ayalon.” 13 Kaya tumigil ang araw at ang buwan hanggang sa natalo ng mga Israelita ang mga kalaban nila.
Ang pangyayaring ito ay nakasulat sa Aklat ni Jashar. Tumigil ang araw sa gitna ng langit, at hindi ito lumubog sa buong araw. 14 Hindi pa nangyari ang ganito mula noon, mula noon, na sumagot ang Panginoon sa panalangin ng tao na kagaya nito. Tunay na nakikipaglaban ang Panginoon para sa Israel.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
45 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 46 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin. 47 Nang gumabi na, nasa laot na ang bangka at siya na lang ang naiwan. 48 Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga tagasunod niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila, 49-50 pero nakita siya ng mga tagasunod niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Natakot sila at nagsigawan, dahil akala nila ay multo siya. Pero nagsalita agad si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 51 Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Namangha sila nang husto, 52 dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Jesus sa tinapay. Ayaw nilang maniwala dahil matigas ang puso nila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®