Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 65

Pagpupuri at Pagpapasalamat

65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
    Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
    dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
Napakarami ng aming kasalanan,
    ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
    Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
    ang inyong banal na templo.
O Dios na aming Tagapagligtas,
    tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
    sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
    Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
Itinatag nʼyo ang mga bundok
    sa pamamagitan ng inyong lakas.
    Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
    ang hampas ng karagatan,
    at ang pagkakagulo ng mga tao.
Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
    namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
    Mula sa silangan hanggang kanluran,
    ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
    Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
    Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
    Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
    Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
    hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
    Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
    at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
    Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.

Exodus 7:14-24

Naging Dugo ang Tubig sa Ilog Nilo

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Matigas pa rin ang puso ng Faraon; hindi niya pinaalis ang mga mamamayan ng Israel. 15 Kaya puntahan mo bukas ng umaga ang Faraon habang papunta siya sa Ilog Nilo. Dalhin mo ang baston na naging ahas at makipagkita ka sa kanya sa pampang ng ilog. 16 Sabihin mo sa kanya, ‘Inutusan po ako ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, na sabihin ito sa inyo: Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin sa ilang. Pero hanggang ngayon, hindi mo ito sinusunod. 17 Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, sa pamamagitan ng gagawin ko, malalaman mo na ako ang Panginoon. Sa pamamagitan ng bastong ito, hahampasin ko ang tubig ng Nilo at magiging dugo ang tubig. 18 Mamamatay ang mga isda, at babaho ang ilog, at hindi na makakainom dito ang mga Egipcio.’ ”

19 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang baston sa lahat ng tubig ng Egipto: sa mga ilog, sapa, kanal at sa lahat ng pinag-iipunan ng tubig, at magiging dugo ang lahat ng ito. Ganito ang mangyayari sa buong lupain ng Egipto. Kahit na ang mga tubig sa mga sisidlang kahoy o bato ay magiging dugo.”

20 Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon. Habang nakatingin ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, itinaas ni Aaron ang kanyang baston at hinampas ang Ilog ng Nilo, at naging dugo ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya hindi nakainom ang mga Egipcio. Naging dugo ang lahat ng tubig sa Egipto.

22 Nagawa rin ito ng mga Egipciong salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka, kaya nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon. Hindi pa rin siya nakinig kila Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon. 23 Bumalik ang Faraon sa palasyo niya at hindi pinansin ang nangyari. 24 Naghukay ang mga Egipcio sa palibot ng ilog para makakuha ng tubig na inumin dahil hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

Gawa 27:13-38

Ang Malakas na Hangin at Alon sa Dagat

13 Nang umihip ang mahinang hangin galing sa timog, ang akala ng mga kasamahan namin ay pwede na kaming bumiyahe. Kaya itinaas nila ang angkla at nagbiyahe kaming namamaybay sa isla ng Crete. 14 Hindi nagtagal, bumugso ang malakas na hilagang-silangang hangin mula sa isla ng Crete. 15 Pagtama ng malakas na hangin sa amin, hindi na kami makaabante,[a] kaya nagpatangay na lang kami kung saan kami dalhin ng hangin. 16 Nang nasa bandang timog na kami ng maliit na isla ng Cauda, nakapagkubli kami nang kaunti. Kahit nahirapan kami, naisampa pa namin ang maliit na bangka na dala ng barko para hindi ito mawasak. 17 Nang mahatak na ang bangka, itinali ito nang mahigpit sa barko. Sapagkat natatakot sila na baka sumayad ang barko malapit sa Libya,[b] ibinaba nila ang layag at nagpatangay sa hangin. 18 Tuloy-tuloy pa rin ang malakas na bagyo, kaya kinabukasan, nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat. 19 Nang sumunod pang araw, ang mga kagamitan na mismo ng barko ang kanilang itinapon. 20 Sa loob ng ilang araw, hindi na namin nakita ang araw at mga bituin, at tuloy-tuloy pa rin ang bagyo, hanggang sa nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.

21 Ilang araw nang hindi kumakain ang mga tao, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga kaibigan, kung nakinig lang kayo sa akin na hindi tayo dapat umalis sa Crete, hindi sana nangyari sa atin ang mga kahirapan at mga kapinsalaang ito. 22 Pero ngayon, hinihiling ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob dahil walang mamamatay sa atin. Ang barko lang ang masisira. 23 Sapagkat kagabi, nagpakita sa akin ang isang anghel. Ipinadala siya ng Dios na nagmamay-ari sa akin at aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya, ‘Pablo, huwag kang matakot. Dapat kang humarap sa Emperador sa Roma. At sa awa ng Dios, ang lahat mong kasama rito sa barko ay maliligtas dahil sa iyo.’ 25 Kaya mga kaibigan, huwag na kayong matakot, dahil nananalig ako sa Dios na matutupad ang kanyang sinabi sa akin. 26 Pero ipapadpad tayo sa isang isla.”

27 Ika-14 na ng gabi nang tinangay kami ng bagyo sa Dagat ng Mediteraneo. At nang mga hatinggabi na, tinantiya ng mga tripulante na malapit na kami sa tabi ng dagat. 28 Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 20 dipa ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 15 dipa na lang. 29 At dahil sa takot na bumangga kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana. 30 Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko. 31 Pero sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.

33 Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Dalawang linggo na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain. 34 Kaya kumain na kayo upang lumakas kayo, dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.” 35 Pagkatapos magsalita ni Pablo, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat siya sa Dios. Pinira-piraso niya ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang kanilang loob at kumain silang lahat. 37 (276 kaming lahat na sakay ng barko.) 38 Nang makakain na ang lahat at busog na, itinapon nila sa dagat ang kanilang mga dalang trigo para gumaan ang barko.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®