Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
2 Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
3 Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.
23 May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24 Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.
25 Sa utos ng Panginoon, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.
26 Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.
At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27 Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.
29 Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.
30 At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32 Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,
at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.
21 Kapag nagpapayo ako, tumatahimik ang mga tao at nakikinig nang mabuti. 22 Pagkatapos kong magsalita, hindi na sila nagsasalita dahil nasisiyahan na sila sa mga sinabi ko. 23 Pinanabikan nila ang mga sasabihin ko tulad ng pagkasabik nila sa pagdating ng ulan. Gusto talaga nila akong mapakinggan. 24 Halos hindi sila makapaniwala kapag ngumiti ako, dahil ang masayang mukha koʼy nagpapalakas sa kanila. 25 Tulad ng isang pinuno, tinuturuan ko sila kung ano ang dapat gawin. Pinamumunuan ko sila tulad ng haring namumuno sa kanyang mga kawal. At inaaliw ko sila kapag silaʼy nalulungkot.
30 “Pero ngayon, kinukutya na ako ng mga mas bata sa akin, na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan. Mas mapagkakatiwalaan pa nga ang mga aso kong tagapagbantay ng aking kawan kaysa sa kanila. 2 Ano bang makukuha ko sa mga taong ito na mahihina at talagang wala ng lakas? 3 Payat na payat sila dahil sa labis na kahirapan at gutom. Kahit gabi ay nagkakaykay sila ng mga lamang-lupa sa ilang para may makain. 4 Binubunot nila at kinakain ang mga tanim sa ilang pati na ang ugat ng punong enebro. 5 Tinataboy sila palayo sa kanilang mga kababayan at sinisigawan na parang mga magnanakaw. 6 Tumitira sila sa mga lambak, sa malalaking bitak ng bato at mga lungga sa lupa. 7 Para silang mga hayop na umaalulong sa kagubatan at nagsisiksikan sa ilalim ng maliliit na punongkahoy. 8 Wala silang halaga, walang nakakakilala at pinalayas pa sa kanilang lupain.
9 “At ngayon, paawit pa kung kutyain ako ng kanilang mga anak at naging katatawanan pa ako sa kanila. 10 Namumuhi sila at umiiwas sa akin. Hindi sila nangingiming duraan ako sa mukha. 11 Ngayong pinanghina ako at pinahirapan ng Dios, ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin. 12 Nilusob ako ng masasamang ito at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan. Talagang pinagsisikapan nila akong ipahamak. 13 Sinisira nila ang dadaanan ko para ipahamak ako. At nagtatagumpay sila kahit walang tumutulong sa kanila. 14 Sinasalakay nila ako na parang mga sundalong dumadaan sa malalaking butas ng gibang pader. 15 Takot na takot ako, at biglang nawala ang karangalan ko na parang hinipan ng malakas na hangin, at ang kasaganaan koʼy naglahong gaya ng ulap.
Ang Paglalakbay ni Pablo sa Jerusalem
21 Nagpaalam kami sa mga namumuno sa iglesya sa Efeso, at bumiyahe kami nang tuloy-tuloy hanggang sa nakarating kami sa Cos. Kinabukasan, dumating kami sa isla ng Rodes. At mula roon, nagpatuloy kami sa Patara. 2 Doon sa Patara ay may nakita kaming barko na papuntang Fenicia, kaya sumakay agad kami. 3 Natanaw namin ang isla ng Cyprus, pero hindi kami pumunta roon kundi dumaan kami sa gawing kanan at tumuloy sa Syria. Dumaong kami sa bayan ng Tyre, dahil nagbaba roon ng kargamento ang barko. 4 Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. 5 Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin. 6 Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.
7 Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw. 8 Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol. 9 Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea. 11 Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.” 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem. 13 Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.” 14 Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Matupad sana ang kalooban ng Panginoon.”
Dumating si Pablo sa Jerusalem
15 Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sinamahan kami ng ilang mga tagasunod ni Jesus na taga-Cesarea. Dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay isa sa mga unang tagasunod ni Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®