Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
Ang Parusa ng Panginoon sa mga Hari ng Juda
22 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa palasyo ng hari ng Juda at sabihin mo ito: 2 O hari ng Juda, na angkan ni David, kayong mga namamahala at mga mamamayang dumadaan sa mga pintuan dito, pakinggan nʼyo ang mensaheng ito ng Panginoon: 3 Pairalin nʼyo ang katarungan at katuwiran. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan, iligtas nʼyo sila sa kamay ng mga taong umaapi sa kanila. Huwag nʼyong pagmamalupitan o sasaktan ang mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Huwag din kayong papatay ng mga taong walang kasalanan. 4 Kung susundin nʼyo ang mga utos kong ito, mananatiling maghahari sa Jerusalem ang angkan ni David. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno at mga mamamayan ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at kabayo na papasok sa pintuan ng palasyo. 5 Pero kung hindi nʼyo susundin ang mga utos kong ito, isinusumpa ko sa sarili ko na mawawasak ang palasyong ito.”
6 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:
“Para sa akin, kasingganda ka ng Gilead o ng tuktok ng bundok ng Lebanon. Pero gagawin kitang parang disyerto, na tulad ng isang bayan na walang naninirahan. 7 Magpapadala ako ng mga taong gigiba sa iyo. Ang bawat isa sa kanilaʼy magdadala ng mga gamit-panggiba. Puputulin nila ang iyong mga haliging sedro at ihahagis sa apoy. 8 Ang mga taong galing sa ibaʼt ibang bansa na dadaan sa lungsod na ito ay magtatanungan, ‘Bakit kaya ginawa ito ng Panginoon sa dakilang lungsod na ito?’ 9 At ito ang isasagot sa kanila, ‘Dahil itinakwil nila ang kasunduan nila sa Panginoon na kanilang Dios, at sumamba sila at naglingkod sa mga dios-diosan.’ ”
Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(A)
43 “Ang mabuting puno ay hindi namumunga ng masama, at ang masamang puno ay hindi namumunga ng mabuti. 44 Ang bawat puno ay nakikilala sa bunga nito. Ang matitinik na halaman ay hindi namumunga ng igos o ubas. 45 Ganoon din naman ang tao. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti dahil puno ng kabutihan ang puso niya. Ngunit ang masamang tao ay nagsasalita ng masama dahil puno ng kasamaan ang puso niya. Sapagkat kung ano ang nasa puso ng isang tao, iyon din ang lumalabas sa kanyang bibig.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®