Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 52

Ang Paghatol at Habag ng Dios

52 Ikaw, taong mapagmataas,
    bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
    Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
    kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
    at lagi kang nagsisinungaling.
Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
    at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
    Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
    bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
“Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
    Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
    at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”

Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
    na yumayabong sa loob ng inyong templo.
    Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
    At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.

Jeremias 21:11-14

11-12 “Sabihin din ninyo sa sambahayan ng hari ng Juda, na mga angkan ni David, na pakinggan ang mensaheng ito ng Panginoon: Pairalin nʼyo lagi ang katarungan. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan; iligtas nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Sapagkat kung hindi, magniningas ang galit ko na parang apoy na hindi mapapatay dahil sa masama nʼyong ginagawa. 13 Kalaban ko kayo, mga taga-Jerusalem, kayong nakatira sa matibay na lugar sa patag sa ibabaw ng bundok. Nagmamataas kayo na nagsasabi, ‘Walang makakasalakay sa atin, sa matibay na talampas na ito!’ 14 Pero parurusahan ko kayo ayon sa mga ginagawa ninyo. Susunugin ko ang inyong mga kagubatan hanggang sa ang lahat ng nakapalibot sa inyo ay matupok. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pahayag 21:22-22:5

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod na iyon, dahil ang pinaka-templo ay walang iba kundi ang Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat at ang Tupa. 23 Hindi na kailangan ang araw o ang buwan sa lungsod dahil ang kapangyarihan ng Dios ang nagbibigay ng liwanag, at ang Tupa ang ilaw doon. 24 Ang ilaw ng lungsod na iyon ay magbibigay-liwanag sa mga bansa. At dadalhin doon ng mga hari sa mundo ang mga kayamanan nila. 25 Palaging bukas ang mga pinto ng lungsod dahil wala nang gabi roon. 26 Ang magaganda at mamahaling bagay ng mga bansa ay dadalhin din sa lungsod na iyon. 27 Pero hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Dios, ang mga gumagawa ng mga bagay na nakakahiya, at ang mga sinungaling. Ang mga makakapasok lang doon ay ang mga taong nakasulat ang pangalan sa aklat ng Tupa, na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan.

22 Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito ay kasinglinaw ng kristal at dumadaloy mula sa trono ng Dios at ng Tupa, at umaagos sa gitna ng pangunahing lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Namumunga ito ng 12 beses sa isang taon, isang beses sa bawat buwan. At ang mga dahon nito ay ginagamit sa pagpapagaling sa mga bansa. Walang anumang isinumpa ng Dios na makikita roon. Naroon ang trono ng Dios at ng Tupa, at sasambahin siya ng mga lingkod niya. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa mga noo nila ang kanyang pangalan. Wala nang gabi roon, kaya hindi na kailangan ang mga ilawan o ang liwanag ng araw, dahil ang Panginoong Dios ang magiging ilaw nila. At maghahari sila magpakailanman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®