Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedro
31 Noong unang araw ng ikatlong buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, ito ang sabihin mo sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga mamamayan niya:
“Kanino ko kaya maihahalintulad ang iyong kapangyarihan? 3 Ah, maihahalintulad kita sa Asiria, ang bansa na parang puno ng sedro sa Lebanon. Ang punong itoʼy may magaganda at malalagong sanga na nakakapagbigay-lilim sa ibang mga puno at mataas kaysa sa ibang mga puno. 4 Sagana ito sa tubig mula sa malalim na bukal na nagpapalago sa kanya, at umaagos sa lahat ng puno sa kagubatan. 5 Kaya ang punong itoʼy mas mataas kaysa sa lahat ng puno sa kagubatan. Ang mga sanga ay mahahaba at ang mga dahon ay mayayabong dahil sagana sa tubig. 6 Ang lahat ng klase ng ibon ay nagpugad sa mga sanga niya, ang lahat ng hayop sa gubat ay nanganak sa ilalim ng puno niya, at ang lahat ng tanyag na bansa ay sumilong sa kanya. 7 Napakaganda ng punong ito. Mahahaba ang sanga at mayayabong ang dahon, at ang ugat ay umaabot sa maraming tubig. 8 Ang mga puno ng sedro sa halamanan ng Dios ay hindi makakapantay sa kanya. Kahit ang mga puno ng abeto at puno ng platano ay hindi maihahambing sa kagandahan ng kanyang mga sanga. Hindi maihahalintulad sa anumang puno sa halamanan ng Dios ang kagandahan ng punong ito. 9 Pinaganda ng Dios ang punong ito sa pamamagitan ng maraming sanga. Kaya nainggit sa kanya ang lahat ng puno sa halamanan ng Dios.”
10 Kaya sinabi ng Panginoong Dios, “Dahil naging mapagmataas ang punong ito at higit na mataas kaysa ibang punongkahoy, at ipinagmamalaki niya ang kanyang sarili, 11 kaya ibibigay ko siya sa pinuno ng mga makapangyarihang bansa. At tiyak na paparusahan siya ayon sa kasamaan niya. Oo, itatakwil ko siya; 12 puputulin siya ng mga malulupit na dayuhan at pagkatapos ay pababayaan. Mangangalat ang mga putol na sanga niya sa mga bundok, lambak at mga ilog. At iiwan siya ng mga bansang sumilong sa kanya.
Mga Huling Bilin
11 Mapapansin ninyo na malalaki na ang mga letrang nakasulat dito. Ako na ang sumulat nito.
12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyong magpatuli na magbigay-lugod sa kapwa nila Judio. Sapagkat natatakot silang usigin ng mga ito kung ituturo nila na ang kamatayan lamang ni Cristo ang siyang makapagliligtas sa tao. 13 Sila mismong mga tinuli ay hindi naman sumusunod sa Kautusan. Ipinagpipilitan lang nila na magpatuli kayo para maipagmalaki nila na sumusunod kayo sa seremonyang ito.
14 Ngunit para sa akin, wala akong ibang ipinagmamalaki maliban sa kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa krus. At dahil sa kamatayan niya sa krus, wala nang halaga para sa akin ang mga bagay sa mundo, at wala rin akong halaga para sa mundo. 15 Hindi na mahalaga kung tuli tayo o hindi. Ang tanging mahalaga ay kung binago na tayo ng Dios.
16 Sa lahat ng pinili ng Dios[a] at namumuhay ayon sa mga turo kong ito, sumainyo nawa ang kapayapaan at awa ng Dios.
17 Mula ngayon, huwag nʼyo na akong guluhin. Ang tanda ng mga sugat sa katawan ko ay nagpapatunay na sinusunod ko si Jesus.
18 Mga kapatid, pagpalain nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®