Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Mabuting Kinabukasan na Ipinangako ng Dios
22-23 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kukuha ako ng usbong sa itaas ng punong sedro at itatanim ko sa ibabaw ng pinakamataas na bundok ng Israel. Lalago ito, magbubunga at magiging magandang punong sedro. Pamumugaran ito ng lahat ng uri ng ibon at sisilong naman ang ibaʼt ibang hayop sa ilalim nito. 24 Sa ganoon, malalaman ng lahat ng mga punongkahoy sa lupa na ako nga ang Panginoong pumuputol ng matataas na punongkahoy. Ako rin ang nagpapatuyo sa mga sariwang punongkahoy at nagpapasariwa ng natutuyong puno. Ako, ang Panginoon, ang nangako nito, at talagang gagawin ko ito.”
Awit ng Papuri
92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
2 Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
3 habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
4 Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.
6 Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam namin na habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. 7 Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. 8 Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. 9 Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Dios sa amin, maging dito man o sa piling na niya. 10 Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.
Nakabalik Tayo sa Dios Dahil kay Cristo
11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat para mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Dios ang tunay naming pagkatao, at umaasa akong alam din ninyo ito. 12 Hindi dahil sa ibinibida na naman namin ang aming sarili, kundi dahil gusto namin na may maipagmalaki kayo tungkol sa amin, para may maisagot kayo sa mga taong pumupuri lamang sa mga bagay na panlabas, at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Kung magmukha man kaming nasisiraan ng bait, itoʼy para sa Dios. At kung kami naman ay matino, itoʼy para sa inyong kapakanan.
14 Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Cristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat. 15 Namatay siya para sa lahat, para ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila.
16 Kaya ngayon, hindi na namin tinitingnan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Dios. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Cristo, pero hindi na ngayon. 17 Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya.
Ang Paghahalintulad sa Binhing Tumutubo
26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Habang nagtatrabaho siya sa araw at natutulog sa gabi, ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago kahit na hindi niya alam kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapatubo at nagpapabunga sa tanim. Sisibol muna ang mga dahon, saka ang uhay, at pagkatapos ay ang mga butil. 29 At kapag hinog na, inaani ito ng may-ari, dahil panahon na para anihin.”
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)
30 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano kaya maitutulad ang paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 31 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[a] na siyang pinakamaliit sa lahat ng buto. 32 Ngunit kapag naitanim na at tumubo, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halaman, at kahit ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim ng mga sanga nito.”
33 Marami pang mga talinghaga o mga paghahalintulad na gaya ng mga ito ang ginamit ni Jesus sa pagtuturo sa mga tao ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangangaral sa mga tao nang hindi gumagamit ng talinghaga, pero ipinapaliwanag naman niya sa mga tagasunod niya kapag sila-sila na lang.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®