Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 92:1-4

Awit ng Papuri

92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
    At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.

Salmo 92:12-15

12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
    at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
    berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
    Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.

2 Hari 14:1-14

Ang Paghahari ni Amazia sa Juda(A)

14 Naging hari ng Juda ang anak ni Joash na si Amazia nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Jehoahaz na si Jehoash sa Israel. Si Amazia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kapantay ng ginawa ni David na ninuno niya. Sinunod niya ang ama niyang si Joash. Hindi rin niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon.

Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak nila, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Ang taong nagkasala lamang ang dapat managot sa kanyang mga kasalanan.”

Si Amazia ang nakapatay ng 10,000 taga-Edom sa Lambak ng Asin. Nasakop niya ang Sela at pinalitan niya ang pangalan nito ng Jokteel, at hanggang sa kasalukuyan ito pa rin ang tawag sa lugar.

Isang araw, nagsugo si Amazia ng mga mensahero kay Haring Jehoash ng Israel, na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash at sinabi, “Makipaglaban ka sa akin.” Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang anak mong babae sa anak kong lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 10 Amazia, totoong natalo mo ang Edom at ipinagyayabang mo ito. Magdiwang ka at huwag ka na lang makipaglaban sa amin. Manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”

11 Pero hindi nakinig si Amazia, kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 12 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 13 Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 14 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Panginoon at kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag pagbalik niya sa Samaria.

Marcos 4:1-20

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

Muling nagturo si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. At dahil sa dami ng taong nakapalibot sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Makinig kayo! May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi kaya hindi namunga. Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo at lumago ang mga ito, at namunga. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[a] Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[b]

Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)

10 Nang nakauwi na ang mga tao, tinanong siya ng 12 apostol at ng iba pang mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon. 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa iba[c] ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, 12 upang matupad ang nakasulat sa Kasulatan,

    ‘Tumingin man sila nang tumingin, hindi sila makakakita.
    Makinig man sila nang makinig, hindi sila makakaunawa.
    Dahil kung makakaunawa sila, magsisisi sila sa kanilang kasalanan at patatawarin sila ng Dios.’[d]

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)

13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghaga na ito, paano ninyo mauunawaan ang iba ko pang mga talinghaga? 14 Ang inihahasik ng manghahasik ay ang salita ng Dios. 15 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. Ngunit dumating agad si Satanas at inagaw ang salita ng Dios na narinig nila. 16 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi, ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios at masaya itong tinanggap kaagad. 17 Ngunit hindi taimtim sa puso ang pagtanggap nila, kaya hindi tumatagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na tinanggap nila, tumatalikod sila kaagad sa kanilang pananampalataya. 18 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. 19 Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo, paghahangad na yumaman, at paghahabol sa marami pang mga bagay, nakakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namumunga ang salita sa kanilang buhay. 20 Ngunit ang mabuting lupa na hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig ng salita ng Dios at tumanggap nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[e]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®