Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Papuri
92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
2 Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
3 habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
4 Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.
Pinarusahan sila ng Dios
14 Kaya sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, parurusahan kita. Sa lahat ng hayop, ikaw lang ang makakaranas ng sumpang ito: Sa buong buhay moʼy gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok. 15 Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya[a] ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.”
16 Sinabi rin niya sa babae, “Dahil sa ginawa mo, dadagdagan ko ang paghihirap mo sa pagbubuntis at mararamdaman mo ang sobrang sakit sa iyong panganganak. Pero sa kabila niyan, hahangarin mo pa rin ang iyong asawa at maghahari siya sa iyo.”[b]
17 Sinabi rin niya sa lalaki, “Dahil naniwala ka sa asawa mo at kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal ko sa inyo, susumpain ko ang lupa! Kaya sa buong buhay mo ay magpapakahirap ka nang husto para makakain. 18 Tutubo sa lupa ang mga damo at halamang may tinik. Ang kakainin moʼy manggagaling sa mga pananim sa bukid. 19 Kinakailangang magpakahirap ka nang husto para makakain, hanggang sa bumalik ka sa lupa na iyong pinagmulan. Dahil sa lupa ka nagmula, sa lupa ka rin babalik.”
20 Pinangalanan ni Adan[c] ang asawa niya na “Eva”[d] dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao. 21 Pagkatapos, gumawa ang Panginoong Dios ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito.
Pinaalis ng Dios sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden
22 Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang tao ay naging katulad na natin na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama. Kinakailangang hindi siya pahintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, dahil kung kakain siya, mananatili siyang buhay magpakailanman.” 23 Kaya pinaalis siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden para sakahin ang lupa na pinagmulan niya.
24 Nang mapaalis na ng Panginoong Dios ang tao, naglagay siya ng mga kerubin[e] sa bandang silangan ng halamanan ng Eden. At naglagay din siya ng espada na naglalagablab at umiikot para walang makalapit sa puno na nagbibigay ng buhay.
Dumating ang Kaligtasan sa Pamamagitan ni Cristo
5 Ngayon, tungkol sa mundong darating na sinasabi namin, hindi ito ipinamahala ng Dios sa mga anghel. 6 Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan:
“O Dios, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
7 Sa maikling panahon ginawa ninyong mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo siya bilang hari, 8 at ipinasakop nʼyo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”[a]
Ang sinasabi ng Kasulatan na ipinasakop ang lahat ng bagay sa tao ay nangangahulugang darating ang araw na walang anumang bagay na hindi maipapasakop sa tao. Pero ngayon, hindi pa natin nakikita na sakop ng tao ang lahat ng bagay. 9 Ngunit kung tungkol kay Jesus, alam natin na sa maikling panahon naging mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel, para maranasan niyang mamatay para sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Dios. At ngayon, binigyan siya ng karangalan at kadakilaan dahil tiniis niya ang kamatayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®