Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para Tulungan ng Dios
6 O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
2 Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
dahil akoʼy nanghihina na.
3 O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
4 Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5 Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
6 Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
7 Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.
8 Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9 Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.
16 At ngayon ay parang mamamatay na ako; walang tigil ang aking paghihirap. 17 Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko at hindi nawawala ang sakit nito. 18 Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Dios, sinunggaban niya ako, hinawakan sa kwelyo, 19 at inihagis sa putik. Naging parang alikabok at abo na lang ako.
20 “O Dios, humingi ako ng tulong sa inyo pero hindi kayo sumagot. Tumayo pa ako sa presensya nʼyo pero tiningnan nʼyo lang ako. 21 Naging malupit kayo sa akin. Pinahirapan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 22 Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin at ipinasalanta sa bagyo. 23 Alam kong dadalhin nʼyo ako sa lugar ng mga patay, ang lugar na itinakda para sa lahat ng tao.
24 “Tiyak na wala akong sinaktang taong naghihirap at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan. 25 Iniyakan ko pa nga ang mga taong nahihirapan, at ang mga dukha. 26 Ngunit nang ako naman ang umasang gawan ng mabuti, masama ang ginawa sa akin. Umasa ako ng liwanag pero dilim ang dumating sa akin. 27 Walang tigil na nasasaktan ang aking damdamin. Araw-araw paghihirap ang dumarating sa akin. 28 Umitim ang balat ko hindi dahil sa init ng araw kundi sa aking karamdaman. Tumayo ako sa harap ng kapulungan at humingi ng tulong. 29 Ang boses koʼy parang alulong ng asong-gubat o huni ng kuwago. 30 Umitim ang balat koʼt natutuklap, at inaapoy ako ng lagnat. 31 Kaya naging malungkot ang tugtugin ng aking alpa at plauta.
46 Muling bumalik si Jesus sa bayan ng Cana sa Galilea kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Doon ay may isang opisyal ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay may sakit at nasa Capernaum. 47 Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Nakiusap siya kay Jesus na pumunta sa Capernaum at pagalingin ang anak niyang nag-aagaw-buhay. 48 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hanggaʼt hindi kayo nakakakita ng mga himala at kababalaghan, hindi kayo maniniwala sa akin.” 49 Sumagot ang opisyal, “Sumama na po kayo sa akin bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede ka nang umuwi. Magaling na ang anak mo.” Naniwala ang opisyal sa sinabi ni Jesus at umuwi siya. 51 Habang nasa daan pa lang ay sinalubong na siya ng mga alipin niya at sinabi sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Kaya tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila, “Kahapon po ng mga ala-una ng hapon ay nawala na ang lagnat niya.” 53 Naalala ng opisyal na nang oras ding iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus na magaling na ang anak niya. Kaya siya at ang buong pamilya niya ay sumampalataya kay Jesus.
54 Ito ang ikalawang himala na ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling niya sa Judea.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®