Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 30

Dalangin ng Pagpapasalamat

30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
    dahil iniligtas nʼyo ako.
    Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinagaling nʼyo ako.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
    Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.

Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
    kayong mga tapat sa kanya.
    Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
    ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
    Maaaring sa gabi ay may pagluha,
    pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.

Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
    “Wala akong pangangambahan.”
Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
    Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
    Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.

Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
“Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
    Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
    Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
    Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”

11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
    Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
    at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
    Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.

Leviticus 13:1-17

Mga Tuntunin Tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat

13 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kina Moises at Aaron: Kung ang balat ng isang tao ay namamaga, may mga butlig at namumuti, iyon ay tanda ng malubhang sakit sa balat.[a] Siyaʼy dapat dalhin sa paring si Aaron o sa isa sa mga paring mula sa angkan niya. Susuriin ng pari ang balat niya, at kung makita niyang ang balahibo ay namumuti at parang tagos sa laman, may nakakahawang sakit sa balat ang taong iyon. Ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay itinuturing na marumi.[b] Pero kung ang namumuting balat ay hindi tagos sa laman at hindi rin namumuti ang balahibo, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari, at kung makita niyang ganoon pa rin ang kanyang balat, at hindi kumalat, siyaʼy ibubukod pa rin ng pari sa mga tao sa loob pa rin ng pitong araw. At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari. At kung gumaling na ang kanyang sakit sa balat at hindi ito kumalat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis[c] na, dahil itoʼy butlig lang. Pagkatapos nito, lalabhan ng tao ang kanyang damit,[d] at siyaʼy ituturing na malinis na. Pero kung kumalat ang mga butlig sa kanyang balat pagkatapos na siyaʼy magpasuri sa pari at ipinahayag na siyaʼy malinis na, dapat muli siyang magpasuri sa pari. At kung kumalat na ang mga butlig, muling ipapahayag ng pari na marumi siya dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa.

Ang sinumang may nakakahawang sakit sa balat ay dapat magpasuri sa pari. 10 Kung sa tingin ng pari ay namumuti ang namamagang balat o namumuti ang balahibo, at nagkakasugat na, 11 itoʼy isang sakit na paulit-ulit at nakakahawa. Kaya ipapahayag ng pari na marumi siya. Hindi na kailangang ibukod pa siya para suriin dahil tiyak nang marumi siya.

12 Kung sa pagsusuri ng pari ay kumalat na ang sakit sa buong katawan ng tao, 13 kailangan pa rin niya itong suriing mabuti. At kung talagang kumalat na nga sa buong katawan ang sakit, at namumuti na ang lahat ng kanyang balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.[e] 14-15 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nagkakasugat na ang kanyang sakit sa balat, ipapahayag niya na ang taong itoʼy marumi at may sakit sa balat na nakakahawa. At ang lumalabas sa sugat ay ituturing na marumi. 16 Ngunit kung gumaling ang sugat at pumuti ang balat, muli siyang magpapasuri sa pari. 17 At kung makita ng pari na talagang magaling na ito, ipapahayag ng pari na malinis na siya.

Hebreo 12:7-13

Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.

Mga Babala at Bilin

12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®