Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. 8 Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain[a] na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. 9 Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Egipcio. 10 Kaya ipapadala kita sa Faraon para palayain ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto.”
11 Pero sinabi ni Moises sa Dios,
“Sino po ba ako para pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita sa Egipto?”
12 Sinabi ng Dios, “Sasamahan kita, at ito ang tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita sa Egipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”
13 Sinabi ni Moises sa Dios, “Kung sakali pong pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Dios ng kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin para iligtas sila, at magtanong sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa kanila?”
14 Sumagot ang Dios kay Moises, “Ako nga ang Dios na ganoon pa rin.[b] Ito ang isagot mo sa kanila: ‘Ang Dios na ganoon pa rin ang nagpadala sa akin.’ ”
15 Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ang Panginoon,[c] ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob, ang nagpadala sa akin sa inyo.’ Kikilalanin ako sa pangalang Panginoon magpakailanman.”
39 Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Jesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya. 40 Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Dios. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo. 41 Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Jesus, “Hindi kami mga anak sa labas.[a] Ang Dios ang aming Ama.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Dios nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Dios. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Dios. 43 Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko. 44 Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan. 45 Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala. 46 Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko? 47 Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”
Si Jesus at si Abraham
48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasaniban ng masamang espiritu.” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng masamang espiritu. Pinararangalan ko lang ang aking Ama, ngunit ipinapahiya ninyo ako. 50 Hindi ko hinahangad ang sarili kong karangalan. Ang Ama ang naghahangad na parangalan ako ng mga tao, at siya ang makapagpapasya na tama ang mga sinasabi ko. 51 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay.” 52 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio, “Sigurado na kami na sinasaniban ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo. 53 Mas dakila ka pa ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Dios ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin. 55 Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.” 57 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang 50 taon, paano mo nasabing nakita mo na si Abraham?” 58 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa ipanganak si Abraham, nariyan na ako.” 59 Dahil dito, pumulot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. Pero nakapagtago[b] si Jesus at umalis sa templo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®