Revised Common Lectionary (Complementary)
Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios
7 Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
2 Baka patayin nila ako,
katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
kung walang magliligtas sa akin.
3 Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
4 kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
5 hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.
6 Sige na po, O Panginoon kong Dios,
ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
7 Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
8 Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
at namumuhay nang wasto.
9 Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
dahil kayo ay Dios na matuwid,
at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
Nahasa na niya ang kanyang espada,
at nakaumang na ang palasong nagbabaga.
14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.
17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.
3 Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Ahasuerus habang nakaluhod at umiiyak sa kanyang paanan. Hiniling niyang huwag nang ituloy ang masamang plano ni Haman na Agageo laban sa mga Judio. 4-5 Itinuro ng hari ang kanyang gintong setro kay Ester, kaya tumayo siya sa harap ng hari at sinabi, “Kung kalugod-lugod po ako sa inyo, Mahal na Hari, at kung para sa inyoʼy tama at matuwid ito, nais ko sanang hilingin sa inyo na gumawa po kayo ng isang kautusan na magpapawalang bisa sa kautusang ipinakalat ni Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na patayin ang lahat ng Judio sa inyong kaharian. 6 Hindi ko po matitiis na makitang nililipol ang mga kalahi at mga kamag-anak ko.”
7 Sinabi ni Haring Ahasuerus kay Ester at kay Mordecai na Judio, “Ipinatuhog ko na si Haman dahil sa masama niyang plano na patayin ang mga Judio. Kaya ibinigay ko na sa iyo, Ester, ang mga ari-arian niya. 8 Kaya gumawa kayo ng kautusan sa aking pangalan ng anumang nais ninyong isulat para sa ikabubuti ng mga Judio, at pagkatapos ay tatakan ninyo ng singsing ko. Dahil anumang kasulatan na isinulat sa pangalan ng hari at tinatakan ng singsing niya ay hindi mababago.”
9 Kaya noong ika-23 ng ikatlong buwan, ang buwan ng Sivan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari. Isinulat nila ang lahat ng idinikta ni Mordecai. Ang sulat ay para sa mga Judio, mga gobernador, mga punong-bayan, at iba pang lingkod ng hari sa 127 lalawigan, mula sa India hanggang sa Etiopia.[a] Isinulat ito sa bawat wika ng mga tao sa buong kaharian, pati na sa wika ng mga Judio. 10 Ipinasulat ni Mordecai sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari. At pagkatapos, ipinadala sa pamamagitan ng mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari. 11 Ayon sa sulat na iyon, binigyan ng pahintulot ang lahat ng Judio na magsama-sama at ipagtanggol ang kanilang sarili, pati na ang kanilang mga babae at mga bata. Maaari nilang patayin ang sinumang sasalakay sa kanila mula sa kahit anong bansa o probinsya. Pinahintulutan din silang samsamin ang mga ari-arian ng kanilang mga kaaway. 12 Gagawin ito ng mga Judio sa lahat ng probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus, sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar. 13 Ang sulat na itoʼy ipapadala sa lahat ng probinsya bilang isang kautusan at dapat ipaalam sa lahat, para makapaghanda ang mga Judio sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa mga kaaway nila sa araw na iyon.
14 Kaya sa utos ng hari, nagmamadaling umalis ang mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari. Ang utos na iyon ay ipinakalat din sa lungsod ng Susa.
15 Nang lumabas si Mordecai sa palasyo, nakadamit siya ng damit panghari na puti at asul at nakabalabal ng pinong linen na kulay ube, at may malaking koronang ginto sa kanyang ulo. Nagsigawan sa tuwa ang mga tao sa lungsod ng Susa. 16 Labis ang katuwaan ng lahat ng Judio. 17 Sa bawat lungsod o probinsya na naabot ng utos ng hari, tuwang-tuwa ang mga Judio at nagdiwang sila. At marami sa lupaing iyon ang naging Judio dahil sa takot nila sa mga Judio.
19 Pagkatapos, nakarinig ako ng parang napakaraming tao sa langit na nagsisigawan, “Purihin ang Panginoon! Purihin ang Dios nating makapangyarihan, dahil siya ang nagligtas sa atin! 2 Matuwid at tama ang kanyang paghatol. Hinatulan niya ang sikat na babaeng bayaran na nagpasama sa mga tao sa mundo dahil sa kanyang imoralidad. Pinarusahan siya ng Dios dahil pinatay niya ang mga lingkod ng Dios.” 3 Sinabi nilang muli, “Purihin ang Panginoon! Ang usok ng nasusunog na lungsod ay papailanlang magpakailanman!” 4 Lumuhod ang 24 na namumuno at ang apat na buhay na nilalang at sumamba sa Dios na nakaupo sa kanyang trono. Sinabi nila, “Amen! Purihin ang Panginoon!”
Handaan sa Kasal ng Tupa
5 Pagkatapos, may narinig akong nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Dios, kayong lahat na naglilingkod sa kanya nang may takot, dakila man o hindi.” 6 Pagkatapos, muling may narinig ako, parang ingay ng napakaraming tao na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Ito ang sinasabi, “Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari na ang Panginoon na ating Dios na makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya, at purihin natin siya. Sapagkat dumating na ang oras ng kasal ng Tupa, at nakahanda na ang kanyang nobya. 8 Pinagsuot siya ng damit na malinis, makinang, at puting-puti.” Ang ibig sabihin ng puting damit ay ang mabubuting gawa ng mga pinabanal[a] ng Dios.
9 At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga inimbitahan sa handaan sa kasal ng Tupa.” At sinabi pa niya, “Totoo ang mga sinasabing ito ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®