Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri sa Dios
95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
3 Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
4 Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
7 Dahil siya ang ating Dios
at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
13 Samantala, ang mga inutusan sa pagkuha kay Micaya ay nagsabi sa kanya, “Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabing magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang sabihin mo.” 14 Pero sinabi ni Micaya, “Nanunumpa ako sa buhay na Panginoon, na sasabihin ko lang ang ipinapasabi niya sa akin.”
15 Pagdating ni Micaya kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, “Micaya, lulusubin ba namin ang Ramot Gilead o hindi?” Sumagot si Micaya, “Lusubin ninyo at magtatagumpay kayo, dahil ipapatalo ito ng Panginoon sa inyo.” 16 Pero sinabi ng hari kay Micaya, “Ilang beses ba kitang panunumpain na sabihin mo sa akin ang totoo sa pangalan ng Panginoon?” 17 Kaya sinabi ni Micaya, “Nakita ko sa pangitain na nakakalat ang mga Israelita sa mga kabundukan gaya ng mga tupa na walang nagbabantay, at nagsabi ang Panginoon, ‘Ang mga taong itoʼy wala nang pinuno. Matiwasay nʼyo silang pauwiin.’ ” 18 Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, “Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?”
19 Sinabi pa ni Micaya, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at may mga makalangit na nilalang na nakatayo sa kanyang kaliwa at kanan. 20 At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab para lusubin ang Ramot Gilead upang mamatay siya roon?’ Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang. 21 At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’ 22 Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa papaanong paraan?’ Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ ”
23 At sinabi ni Micaya, “At ngayon pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasabi sa kanila ng kasinungalingan. Itinakda ng Panginoon na matalo ka.”
Ang Awit ng mga Tinubos
14 Pagkatapos, nakita ko ang Tupa na nakatayo sa bundok ng Zion. Kasama niya ang 144,000 tao. Nakasulat sa noo nila ang pangalan ng Tupa at ng kanyang Ama. 2 Nakarinig ako ng ingay mula sa langit, na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. At para ring tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. 3 Ang 144,000 tao ay umaawit sa harap ng trono, ng apat na buhay na nilalang, at ng mga namumuno. Bago ang kanilang awit at walang nakakaalam maliban sa kanila na 144,000 na tinubos mula sa mundo. 4 Sila ang mga lalaking hindi sumiping sa babae at hindi nag-asawa. Sumunod sila sa Tupa kahit saan siya pumunta. Tinubos sila mula sa mga tao upang maging unang handog sa Dios at sa Tupa. 5 Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.
Ang Tatlong Anghel
6 At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid. Dala niya ang walang kupas na Magandang Balita upang ipangaral sa mga tao sa buong mundo, sa lahat ng bansa, angkan, wika, at lahi. 7 Ito ang isinisigaw niya, “Matakot kayo sa Dios, at purihin ninyo siya, dahil dumating na ang oras na hahatulan niya ang lahat. Sambahin ninyo ang Dios na lumikha ng langit, lupa, dagat at mga bukal.”
8 Kasunod namang lumipad ang pangalawang anghel na sumisigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonia! Ang mga mamamayan nito ang humikayat sa mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad nila na kinamumuhian ng Dios.”
9 Sumunod pa ang isang anghel sa dalawang anghel na nauna. Sumisigaw din siya, “Ang lahat ng sumamba sa halimaw at sa imahen nito, at tumanggap ng tatak nito sa noo o sa kanang kamay, 10 ay makakaranas ng galit ng Dios. Sapagkat parurusahan sila sa nagniningas na apoy at asupre sa harapan ng Tupa at ng mga anghel ng Dios. 11 Ang usok ng apoy na magpapahirap sa kanila ay papailanlang magpakailanman. Araw-gabi ay wala silang pahinga sa kanilang paghihirap, dahil sinamba nila ang halimaw at ang imahen nito at nagpatatak ng pangalan nito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®