Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Makatarungang Paghatol ng Dios
9 Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
2 Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
3 Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
4 Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
5 Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
6 Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
sila ay lubusang nawasak.
Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
7 Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
8 Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
at wala kayong kinikilingan.
9 Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.
11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.
13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.
Ang Pangitain Tungkol sa Lalaking may Panukat
2 Nang muli akong tumingin, may nakita akong lalaking may dalang panukat. 2 Tinanong ko siya, “Saan ka pupunta?” Sumagot siya, “Sa Jerusalem, susukatin ko ang luwang at haba nito.” 3 Pagkatapos, umalis ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinalubong siya ng isa pang anghel 4 at sinabi sa kanya, “Magmadali ka, sabihin mo sa lalaking iyon na may dalang panukat na ang Jerusalem ay magiging lungsod na walang pader dahil sa sobrang dami ng kanyang mga mamamayan at mga hayop. 5 Sinabi ng Panginoon na siya mismo ang magiging pader na apoy sa paligid ng lungsod ng Jerusalem, at siya rin ang magiging dakila sa bayan na ito.”
Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Nakarolyo na Lumilipad
5 Nakita ko ang isang kasulatang nakarolyo na lumilipad. 2 Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakita mo?” Sinabi ko, “Isang kasulatang nakarolyo na lumilipad, na mga 30 talampakan ang haba at mga 15 talampakan ang lapad.”
3 Sinabi ng anghel sa akin, “Nakasulat sa kasulatang iyan ang sumpang darating sa buong lupain ng Israel. Sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan na ang lahat ng magnanakaw ay aalisin sa Israel, at sa kabilang bahagi naman ng kasulatan ay sinasabi na ang lahat ng sumusumpa ng may kasinungalingan ay aalisin din. 4 Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, ‘Ipapadala ko ang sumpang ito sa tahanan ng magnanakaw at sa tahanan ng sumusumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan. Mananatili ito sa kanilang mga bahay at lubusang wawasakin ang mga ito.’ ”
Mga Pangwakas na Bilin at Pagbati
12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon para mamuno at mangaral sa inyo. 13 Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayo nang may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa.
14 Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat. 15 Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat. 16 Lagi kayong magalak, 17 laging manalangin, 18 at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®