Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Micas 3:5-12

Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga propetang nanlinlang sa kanyang mga mamamayan, na nangangako ng mabuting kalagayan sa mga nagpapakain sa kanila, pero binabantaan nila ng kapahamakan ang ayaw magpakain sa kanila: “Dahil iniligaw ninyo ang aking mga mamamayan, hindi na kayo magkakaroon ng mga pangitain at hindi na kayo makapanghuhula. Para kayong nasa dilim na wala kayong makikita. Mapapahiya kayong mga propeta at manghuhula. Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya, dahil wala na kayong natatanggap na mensahe mula sa Dios.”

Pero ako ay puspos ng Espiritu ng Panginoon na siyang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan para maipatupad ko ang katarungan, at nagpapalakas ng loob ko para masabi sa mga mamamayan ng Israel at Juda na nagkasala sila.

Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran. 10 Itinatayo ninyo ang Zion[a] sa pamamagitan ng masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 11 Humahatol kayo panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, “Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.” 12 Kaya dahil sa inyo, gigibain ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.

Salmo 43

Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan

43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
    at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
    Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
    bakit nʼyo ako itinakwil?
    Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
    upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
    na nagpapagalak sa akin.
    At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!

1 Tesalonica 2:9-13

Tiyak na natatandaan nʼyo pa, mga kapatid, ang pagsisikap namin noong nasa inyo pa kami. Habang ipinangangaral namin ang Magandang Balita ng Dios, araw-gabi kaming nagtatrabaho para hindi kami maging pabigat sa inyo. 10 Saksi namin kayo at ang Dios na ang pakikitungo namin sa inyong mga mananampalataya ay tapat, matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyong katulad ng isang ama sa kanyang mga anak ang turing namin sa bawat isa sa inyo. 12 Pinalakas namin ang loob nʼyo, pinayuhan at hinikayat na mamuhay nang karapat-dapat sa Dios na humirang sa inyo para sa kanyang kaharian at kadakilaan.

13 Lagi rin kaming nagpapasalamat sa Dios dahil nang tanggapin nʼyo ang pangangaral namin, tinanggap nʼyo ito hindi bilang salita ng tao, kundi bilang salita ng Dios na kumikilos sa buhay ninyong mga sumasampalataya.

Mateo 23:1-12

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at sa mga Pariseo(A)

23 Pagkatapos, nagsalita si Jesus sa mga tao at sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Pero huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. Ipinapatupad nila sa inyo ang mahihirap nilang kautusan, pero sila mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. At upang ipakita na napakarelihiyoso nila, nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya[a] at hinahabaan ang laylayan[b] ng kanilang mga damit. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sambahan. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro.’ Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro,’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro. At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na ‘Amo,’ dahil iisa lang ang inyong amo, walang iba kundi ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. 12 Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®