Revised Common Lectionary (Complementary)
Mapalad ang Taong Matuwid
1 Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
2 Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
3 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
4 Ngunit iba ang mga taong masama;
silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
5 Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
at ihihiwalay sa mga matuwid.
6 Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.
Dagdag pang Kawikaan
23 Narito pa ang ilang kawikaan ng marurunong na tao:
Hindi dapat magtangi ng tao sa paghatol ng katarungan.
24 Kapag pinalaya mo ang taong may kasalanan, susumpain ka at kamumuhian ng mga tao.
25 Ngunit kapag pinarusahan mo ang may kasalanan, matutuwa ang mga tao at pagpapalain ka.
26 Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
27 Ihanda mo muna ang iyong pagkakakitaan, tulad ng iyong bukid na taniman bago ka magtatag ng sariling tahanan.
28 Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, o magsalita laban sa kanya ng kasinungalingan.
29 Huwag mong sasabihin, “Gaganti ako, gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin.”
30 Dumaan ako sa bukid ng taong tamad at mangmang. 31 Puno na ito ng mga damo at matitinik na halaman, at giba na ang mga bakod nito. 32 Nang makita ko ito, napaisip ako ng mabuti, at natutunan ko ang aral na ito: 33 Sa kaunting pahinga, kaunting pagtulog, at paghalukipkip mo, taong tamad, 34 ay biglang darating sa iyo ang kahirapan na para kang ninakawan ng armadong tulisan.
39 Sinasaliksik nʼyo ang Kasulatan sa pag-aakala na sa pamamagitan nitoʼy magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang Kasulatan mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin, 40 pero ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
41 “Hindi ko hinahangad ang papuri ng mga tao. 42 Kilala ko talaga kayo at alam kong wala sa mga puso ninyo ang pagmamahal sa Dios. 43 Naparito ako sa pangalan[a] ng aking Ama, ngunit ayaw ninyo akong tanggapin. Pero kung may dumating sa sarili niyang pangalan ay tinatanggap ninyo siya. 44 Paano kayo sasampalataya sa akin kung ang papuri lang ng kapwa ang hangad ninyo, at hindi ang papuri ng nag-iisang Dios? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang mag-aakusa sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises na inaasahan ninyo ang siyang mag-aakusa sa inyo. 46 Dahil kung totoong naniniwala kayo kay Moises, maniniwala rin kayo sa akin, dahil si Moises mismo ay sumulat tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®