Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 1

Mapalad ang Taong Matuwid

Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
    o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
    at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
    at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
    na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
    Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
Ngunit iba ang mga taong masama;
    silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
    at ihihiwalay sa mga matuwid.
Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
    ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.

Deuteronomio 9:25-10:5

25 “Iyan ang dahilan kung bakit ako nagpatirapa sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi dahil sinabi ng Panginoon na pupuksain niya kayo. 26 Nanalangin ako sa Panginoon, ‘O Panginoong Dios, huwag po ninyong puksain ang sarili ninyong mamamayan. Iniligtas po ninyo sila at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 27 Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo, ang kasamaan at ang mga kasalanan ng mga mamamayang ito, kundi alalahanin ninyo ang inyong mga lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob. 28 Kung lilipulin nʼyo sila, sasabihin ng mga Egipcio, “Nilipol sila dahil hindi sila kayang dalhin ng Panginoon sa lupaing ipinangako niya sa kanila.” O sasabihin nila, “Pinatay sila ng Panginoon dahil galit siya sa kanila; inilabas niya sila sa Egipto at dinala sa disyerto para patayin.”

29 “ ‘Ngunit sila ay inyong mamamayan. Sila ang sarili ninyong mamamayan na inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’

Ang Ikalawang Malalapad na Bato(A)

10 “Nang panahong sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Gumawa ka ng dalawang malalapad na bato kagaya noong una, at umakyat ka sa bundok papunta sa akin. Gumawa ka rin ng kahon na yari sa kahoy. Isusulat ko sa malalapad na bato ang mga salita na isinulat ko sa unang malalapad na bato na biniyak mo. At ilagay mo ito sa kahon.’

“Kaya gumawa ako ng kahon na yari sa akasya at ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, at umakyat sa bundok dala ang dalawang malalapad na bato. Isinulat ng Panginoon sa dalawang malalapad na batong ito ang isinulat niya noong una, ang Sampung Utos na ibinigay niya sa inyo nang nagsalita siya mula sa apoy noong araw na nagtipon kayo sa bundok. Nang maibigay na ito ng Panginoon sa akin, bumaba ako sa bundok at inilagay ito sa kahong ginawa ko, ayon sa iniutos ng Panginoon, at hanggang ngayoʼy naroon pa ito.”

Tito 2:7-8

Magpakita ka ng mabuting halimbawa sa lahat ng bagay. Maging tapat ka at taos-puso sa iyong pagtuturo. Tiyakin mong tama ang iyong pananalita at walang maipipintas dito, upang ang mga sumasalungat sa atin ay mapahiya dahil wala silang masabing masama laban sa atin.

Tito 2:11-15

11 Sapagkat ang biyaya ng Dios na nagbibigay ng kaligtasan ay inihayag na sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios 13 habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at upang tayoʼy maging mamamayan niya na malinis at handang gumawa ng mabuti.

15 Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®