Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 98

Purihin ang Dios na Hukom

98 Umawit tayo ng bagong awit sa Panginoon,
    dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay!
    Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.
Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.
Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa atin na taga-Israel.
    Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Dios.
Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo sa tuwa sa Panginoon!
    Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.
5-6 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa at mga trumpeta at tambuli.
    Sumigaw kayo sa galak sa presensya ng Panginoon na ating Hari.
Magalak ang buong mundo at ang lahat ng naninirahan dito,
    pati ang mga dagat at ang lahat ng narito.
Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan
Natutuwa sila sa presensya ng Panginoon
    dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.

Daniel 3:1-18

Iniutos ni Nebucadnezar na Sambahin ang Rebulto

Nagpagawa si Haring Nebucadnezar ng rebultong ginto.[a] May 90 talampakan ang taas at 9 na talampakan ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2-3 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Nebucadnezar ang mga gobernador, mga mayor, mga komisyoner, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, at iba pang mga opisyal ng lalawigan para dumalo sa pagtatalaga ng nasabing rebulto. Nang naroon na sila nakatayo sa harap ng rebulto, sumigaw ang tagapagbalita, “Kayong mga nanggaling sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika, kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang mga instrumento, lumuhod kayo agad at sumamba sa rebultong itinayo ni Haring Nebucadnezar. Ang sinumang hindi sasamba ay agad na itatapon sa naglalagablab na hurno.” Kaya nang marinig nila ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebulto.

Nang panahong iyon, may ilang taga-Babilonia[b] na lumapit sa hari at pinaratangan nila ang mga Judio. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Nawaʼy humaba pa ang inyong buhay, Mahal na Hari! 10 Hindi baʼt nag-utos po kayo na ang sinumang makarinig ng tunog ng mga instrumento ay dapat lumuhod at sumamba sa gintong rebulto, 11 at ang hindi sasamba ay itatapon sa naglalagablab na hurno? 12 Ngunit may ilang mga Judiong hindi sumusunod sa inyong utos. Sila po ay sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Sila ang mga taong pinamamahala ninyo sa lalawigan ng Babilonia. Hindi nila iginagalang ang inyong mga dios, at hindi sila sumasamba sa gintong rebulto na ipinatayo ninyo.”

13 Nang marinig iyon ng hari, nagalit siya nang husto. Kaya ipinatawag niya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. 14 Nang dumating sila, tinanong sila ng hari, “Totoo bang hindi ninyo iginagalang ang aking mga dios at hindi kayo sumasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ko? 15 Ngayon, inuutusan ko kayong sumamba sa rebulto kapag narinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Dahil kung hindi, ipapatapon ko kayo sa naglalagablab na hurno. Tingnan natin kung may dios na makakapagligtas sa inyo.”

16 Sumagot silang tatlo, “Mahal na Hari, wala po kaming masasabi tungkol diyan. 17 Kung talaga pong ganyan ang mangyayari, ililigtas kami ng Dios na aming pinaglilingkuran mula sa naglalagablab na hurno. Ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay. 18 Pero kung hindi man niya kami iligtas, gusto naming malaman mo na hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga dios o sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ninyo.”

Pahayag 18:1-10

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos nito, nakita ko ang isang anghel na bumaba mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan. Sumigaw siya nang malakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang sikat na lungsod ng Babilonia. Tirahan na lang ito ngayon ng mga demonyo at masasamang espiritu, at mga kasuklam-suklam na ibon na itinuturing na marumi. Nangyari ito sa lungsod ng Babilonia dahil inakit nito ang mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad niya na kinamumuhian ng Dios. Ang mga hari sa mundo ay nakipagrelasyon sa kanya. At yumaman ang mga negosyante sa mundo, dahil sa kanila siya bumibili ng mga pangangailangan niya upang masunod ang bisyo at kalayawan niya.”

Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi,

    “Kayong mga mamamayan ko, lumayo kayo sa kanya
    upang hindi kayo maging bahagi sa ginagawa niyang kasalanan,
    at upang hindi ninyo danasin ang parusang nakalaan sa kanya.
Ang bunton ng kanyang kasalanan ay abot hanggang langit.
    At hindi na palalagpasin ng Dios ang kanyang kasamaan.
Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niyang masama sa inyo.
    Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
    Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo doblehin ninyo at ibigay sa kanya.
Kung paanong nagmataas siya at namuhay sa karangyaan at kalayawan,
    gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan.
    Sapagkat inakala niyang reyna siya at hindi makakaranas ng kalungkutan tulad ng mga biyuda.
Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya sa loob lang ng isang araw ang mga salot:
    mga sakit, kalungkutan, at gutom.
    Pagkatapos, susunugin siya,
    sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Dios na nagpaparusa sa kanya.”

“Iiyakan siya ng mga haring nakipagrelasyon sa kanya at nakisama sa kalayawan niya kapag nakita nila ang usok ng kanyang pagkasunog. 10 Tatayo lang sila sa malayo at magmamasid dahil takot silang madamay sa parusa sa lungsod na iyon. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat at makapangyarihang lungsod ng Babilonia. Sa loob lang ng maikling panahon[a] ay naparusahan siya!’

Pahayag 18:19-20

19 At dahil sa kanilang kalungkutan, lalagyan nila ng alikabok ang ulo nila at mag-iiyakan. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan. Dahil sa yaman niya, yumaman ang mga may-ari ng barko na bumibiyahe roon. Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat!’

20 “Kaya kayong lahat ng nasa langit, matuwa kayo dahil sa nangyari sa lungsod na iyon. Matuwa kayo, kayong mga propeta, mga apostol at mga pinabanal ng Dios, dahil hinatulan na siya ng Dios sa mga ginawa niya sa inyo!”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®