Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 80:7-15

O Dios na Makapangyarihan,
    ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Katulad namin ay puno ng ubas,
    na kinuha nʼyo sa Egipto at itinanim sa lupaing pinalayas ang mga nakatira.
Nilinis nʼyo ang lupaing ito at ang puno ng ubas ay nag-ugat
    at lumaganap sa buong lupain.
10 Nalililiman ng mga sanga nito ang mga bundok at ang malalaking puno ng sedro.
11 Umabot ang kanyang mga sanga hanggang sa Dagat Mediteraneo at hanggang sa Ilog ng Eufrates.
12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Dios, ang bakod nito?
    Kaya ninanakaw ng mga dumadaan ang mga bunga nito.
13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo at iba pang hayop sa gubat.
14 O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin.
    Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan.
    Alalahanin nʼyo ang inyong mga mamamayan,
15 na tulad ng puno ng ubas na inyong itinanim sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Alalahanin nʼyo kami na inyong mga anak na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.

Jeremias 2:23-37

23 “Paano nʼyo nasasabing hindi kayo nadumihan at hindi kayo sumamba sa dios-diosang si Baal? Tingnan nʼyo kung anong kasalanan ang ginawa nʼyo sa lambak ng Hinom. Isipin nʼyo ang ginawa nʼyong kasalanan. Para kayong babaeng kamelyo na hindi mapalagay dahil naghahanap ng lalaki. 24 Para rin kayong babaeng asnong-gubat na masidhi ang pagnanasa na magpakasta, sa tindi ng kanyang pagnanasa ay walang makakapigil sa kanya. Ang lalaking asno ay hindi na mahihirapang maghanap sa kanya. Madali siyang hanapin sa panahon ng pagpapakasta niya.

25 Mga taga-Israel, napudpod na ang mga sandalyas nʼyo at natuyo na mga lalamunan nʼyo sa pagsunod sa ibang mga dios. Pero sinasabi nʼyo, ‘Hindi namin maaaring itakwil ang ibang mga dios. Mahal namin sila at susunod kami sa kanila.’

26 “Tulad ng isang magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, mapapahiya rin kayong mga taga-Israel. Talagang mapapahiya kayo, pati ang mga hari, pinuno, pari, at mga propeta ninyo. 27 Sinasabi ninyo na ang kahoy ang inyong ama at ang bato naman ang inyong ina. Itinakwil nʼyo ako, pero kapag naghihirap kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin. 28 Bakit? Nasaan na ang mga dios na ginawa ninyo para sa inyong sarili? Tawagin ninyo sila kung kaya nila kayong iligtas sa paghihirap ninyo. Sapagkat napakarami ninyong dios, kasindami ng mga bayan sa Juda. 29 Bakit kayo nagrereklamo sa akin? Hindi baʼt kayo ang naghimagsik sa akin? 30 Pinarusahan ko ang mga anak nʼyo, pero hindi sila nagbago. Ayaw nilang magpaturo. Kayo na rin ang pumatay sa mga propeta nʼyo gaya ng pagpatay ng mabangis at gutom na leon sa kanyang biktima.

31 “Kayong mga mamamayan sa henerasyong ito, pakinggan ninyo ang sinasabi ko. Ako baʼy parang isang ilang para sa inyo na mga taga-Israel, o kayaʼy parang isang lugar na napakadilim? Bakit ninyo sinasabi na, ‘Bahala na kami sa gusto naming gawin. Ayaw na naming lumapit sa Dios.’

32 “Makakalimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga alahas o ang damit niyang pangkasal? Pero kayong mga hinirang ko, matagal na ninyo akong kinalimutan. 33 Magaling kayong humabol sa minamahal ninyo na mga dios-diosan. Kahit ang mga babaeng bayaran ay matututo pa sa inyo. 34 Ang mga damit ninyoʼy may mga bahid ng dugo ng mga taong walang kasalanan at mga dukha. Pinatay nʼyo sila kahit na hindi nʼyo sila nahuling pumasok sa mga bahay nʼyo para magnakaw. Pero kahit ginawa nʼyo ito, 35 sinabi nʼyo pa rin, ‘Wala akong kasalanan. Hindi galit sa akin ang Panginoon!’ Pero talagang parurusahan ko kayo dahil sinabi ninyong wala kayong kasalanan.

36 “Pangkaraniwan lang sa inyo ang magpapalit-palit ng mga kakamping bansa. Pero hihiyain kayo ng Egipto na kakampi nʼyo, gaya ng ginawa sa inyo ng Asiria. 37 Aalis kayo sa Egipto na nakatakip ang inyong kamay sa mukha dahil sa kahihiyan at pagdadalamhati. Sapagkat itinakwil ko na ang mga bansang pinagkatiwalaan ninyo. Hindi na kayo matutulungan ng mga bansang iyon.

Filipos 2:14-18

14 Gawin nʼyo ang lahat nang walang reklamo o pagtatalo, 15 para maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Dios sa gitna ng mga mapanlinlang at masasamang tao sa panahong ito. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila 16 habang pinaninindigan nʼyo[a] ang salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. At kung gagawin nʼyo ito, may maipagmamalaki ako sa pagbabalik ni Cristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagsisikap ko sa inyo. 17 Ang paglilingkod ninyo na bunga ng inyong pananampalataya ay tulad sa isang handog. At kung kinakailangang ibuhos ko ang aking dugo[b] sa handog na ito, maligaya pa rin ako at makikigalak sa inyo. 18 At dapat maligaya rin kayo at makigalak sa akin.

Filipos 3:1-4

Ang Tunay na Pagiging Matuwid

Ngayon, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi ako magsasawang sabihin ito nang paulit-ulit dahil para ito sa kabutihan ninyo. Mag-ingat kayo sa mga Judio na namimilit na tuliin ang mga hindi Judio. Mga asal-hayop sila at gumagawa ng masama. Ngunit tayo ang totoong tuli,[a] dahil sumasamba tayo sa Dios sa tulong ng Banal na Espiritu, at ipinagmamalaki ang ginawa ni Cristo Jesus. Hindi tayo nagtitiwala sa mga panlabas na seremonya o panuntunan para maligtas tayo. Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan. Kung iniisip ninuman na may katuwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®