Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 25:1-9

Dalangin para Ingatan at Patnubayan

25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
    Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
    at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
    ngunit mapapahiya ang mga traydor.

Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
    ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
    Kayo ang lagi kong inaasahan.
Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
    na inyong ipinakita mula pa noong una.
Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
    alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
    mula pa noong aking pagkabata.

Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
    kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
    Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.

Ezekiel 18:5-18

Halimbawa, may isang taong matuwid na ginagawa kung ano ang tama. Hindi siya sumasamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa mga bundok. Hindi siya sumisiping sa asawa ng iba o sa babaeng may buwanang dalaw. Hindi siya nang-aapi at ibinabalik niya ang mga isinangla ng mga nangungutang sa kanya. Hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit. Hindi siya nagpapatubo kapag nagpapahiram ng pera. Hindi rin siya gumagawa ng masama at wala siyang kinakampihan sa kanyang paghatol. Sinusunod niyang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. Ang taong ganito ay matuwid at patuloy na mabubuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

10 “Pero kung may anak siyang lalaki na malupit at mamamatay-tao, o gumagawa ng sumusunod na masasamang gawain 11 na hindi ginawa ng kanyang ama: Kumakain siya ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa bundok at sumisiping sa asawa ng iba. 12 Nang-aapi ng mahihirap at nangangailangan. Nagnanakaw at hindi isinasauli ang isinangla ng mga nangutang sa kanya. Sumasamba sa mga dios-diosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, 13 at nagpapatubo sa mga may utang sa kanya. Maliligtas kaya siya? Hindi! Mamamatay siya dahil sa mga ginawa niyang kasuklam-suklam at walang ibang dapat sisihin sa kamatayan niya kundi siya.

14 “Kung ang masamang taong ito ay may anak na lalaki at nakita niya ang lahat ng masamang ginawa ng kanyang ama pero hindi niya ito ginaya, 15 hindi siya sumamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa bundok, hindi siya sumisiping sa hindi niya asawa, 16 hindi siya nang-aapi at hindi niya inaangkin ang mga garantiya ng mga umutang sa kanya, hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit, 17 hindi siya gumagawa ng masama at hindi nagpapatubo sa may utang sa kanya, tinutupad niya ang mga utos koʼt mga tuntunin, ang taong itoʼy hindi mamamatay dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Patuloy siyang mabubuhay. 18 Pero ang kanyang ama ay mamamatay dahil mukha siyang pera, magnanakaw at gumagawa ng masama sa kanyang mga kababayan.

Gawa 13:32-41

32 At narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Dios sa ating mga ninuno, 33 na tinupad niya ngayon sa atin nang muli niyang buhayin si Jesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Salmo,

    ‘Ikaw ang aking anak, at ipapakita ko ngayon na ako ang iyong Ama.’[a]

34 Ipinangako na noon pa ng Dios na bubuhayin niya si Jesus, at ang kanyang katawan ay hindi mabubulok, dahil sinabi niya,

    ‘Ang mga ipinangako ko kay David ay tutuparin ko sa iyo.’[b]

35 At sinabi pa sa isa pang Salmo,

    ‘Hindi ka papayag na mabulok ang katawan ng iyong tapat na lingkod.’[c]

36 Hindi si David ang tinutukoy dito, dahil nang matapos ni David ang ipinapagawa sa kanya ng Dios na maglingkod sa kanyang henerasyon, namatay siya at inilibing sa tabi ng kanyang mga ninuno, at ang kanyang katawan ay nabulok. 37 Ngunit si Jesus na muling binuhay ng Dios ay hindi nabulok. 38-39 Kaya nga mga kapatid, dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na patatawarin tayo ng Dios sa ating mga kasalanan. Ang sinumang sumasampalataya kay Jesus ay itinuturing ng Dios na matuwid. Hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Kayong mga nangungutya, mamamangha kayo sa aking gagawin.
    Mamamatay kayo dahil mayroon akong gagawin sa inyong kapanahunan, na hindi ninyo paniniwalaan kahit na may magsabi pa sa inyo.’ ”[d]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®