Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Nakita ng Dios ang kanilang ginawa, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Kaya nagbago ang kanyang isip, at hindi na niya nilipol ang mga taga-Nineve gaya ng kanyang sinabi noon.
Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon
4 Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. 2 Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Dios at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarshish. 3 Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” 4 Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”
5 Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. 6 Pero naiinitan pa rin si Jonas, kaya pinatubo ng Panginoong Dios ang isang malagong halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. 7 Pero kinabukasan nang maaga pa, ipinakain ng Dios sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.
8 Pagsikat ng araw, pinaihip ng Dios ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” 9 Sinabi ng Dios sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.” 10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob lamang ng isang gabi at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa malaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 tao na walang alam tungkol sa aking mga kautusan[a] at marami ring mga hayop?”
Awit ng Pagpupuri
145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
2 Pupurihin ko kayo araw-araw,
at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
4 Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
5 Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
6 Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa,
at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
7 Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa inyong katuwiran.
8 Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Cristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin dahil makakapiling ko na siya. 22 Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. 23 Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti. 24 Pero kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. 25 Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama nʼyo para matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. 26 At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan para purihin si Cristo.
27 Mamuhay kayo nang ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Nang sa ganoon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios. 29 Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Cristo ang ibinigay sa inyo, kundi ang maghirap din para sa kanya. 30 Ngayon, dinaranas nʼyo na ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin hanggang ngayon.
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: Isang araw, maagang lumabas ang isang may-ari ng ubasan para humanap ng mga manggagawa. 2 Nang makakita siya ng mga manggagawa, nakipagkasundo siya sa kanila na makakatanggap sila ng karampatang sahod para sa isang araw na trabaho, at pagkatapos ay pinapunta ang mga ito sa ubasan niya. 3 Nang mga alas nuwebe na ng umaga, lumabas siyang muli at may nakita siyang mga taong walang trabaho at nakatambay lang sa may pamilihan. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho. Babayaran ko kayo nang nararapat.’ 5 Kaya pumunta ang mga ito sa ubasan. Nang bandang tanghali, muli siyang lumabas at may nakita pang ilang mga tao. Pinagtrabaho rin niya ang mga ito. Ito rin ang ginawa niya nang mga alas tres na ng hapon. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, muli na naman siyang lumabas at nakakita pa ng mga ilan na nakatambay lang. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo riyan at walang ginagawa?’ 7 Sumagot sila, ‘Dahil wala naman pong nagbigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho.’
8 “Nang magtatakip-silim na, sinabi ng may-ari sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bigyan ng sahod. Unahin mo ang mga huling nagtrabaho, hanggang sa mga unang nagtrabaho.’ 9 Dumating ang mga nagsimula nang alas singko ng hapon, at tumanggap sila ng sahod para sa isang araw na trabaho. 10 Nang dumating na ang mga naunang nagtrabaho, inakala nilang tatanggap sila ng higit kaysa sa mga huling nagtrabaho. Pero tumanggap din sila ng ganoon ding halaga. 11 Pagkatanggap nila ng sahod, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Ang mga huling dumating ay isang oras lang nagtrabaho, samantalang kami ay nagtrabaho ng buong araw at nagtiis ng init, pero pareho lang ang sahod namin!’ 13 Sinagot ng may-ari ang isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi baʼt nagkasundo tayo na bibigyan kita ng sahod para sa isang araw na trabaho? 14 Kaya tanggapin mo na ang sahod mo, at umuwi ka na. Desisyon ko na bigyan ng parehong sahod ang mga huling nagtrabaho. 15 Hindi baʼt may karapatan akong gawin ang gusto ko sa pera ko? O naiinggit lang kayo dahil mabuti ako sa kanila?’ ” 16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ganyan din ang mangyayari sa huling araw. May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®