Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri
145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
2 Pupurihin ko kayo araw-araw,
at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
4 Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
5 Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
6 Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa,
at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
7 Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa inyong katuwiran.
8 Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
3 Pula ang kalasag at damit ng mga sundalo ng inyong kalaban. At sa oras ng kanilang pagsalakay kumikislap ang metal ng kanilang mga karwahe at nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo.[a] 4 Humahagibis ang kanilang mga karwahe sa mga lansangan, parooʼt parito na sumusugod sa mga plasa. Nagliliwanag ang mga ito na parang sulo, at kumikislap na parang kidlat. 5 Inuutusan ng hari ang mga opisyal ng mga kawal. Nagkakandarapa sila papunta sa mga pader para maglagay ng mga pananggalang para sa mga sundalong wawasak ng pader. 6 Mabubuksan ang mga pintuan ng inyong lungsod sa bandang ilog at magigiba ang palasyo. 7 Naipahayag na, na bibihagin kayo[b] at dadalhin sa ibang bayan. Uungol ang inyong mga utusang babae na parang kalapati habang dinadagukan nila ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan. 8 Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve ay parang tubig na umagos mula sa nawasak na imbakan ng tubig. Ang mga tumatakas ay pinapabalik ng kanilang mga kasama pero wala ni isa mang bumalik.
9 Kayong mga sumasalakay sa Nineve, kunin ninyo ang mga pilak at ginto ng lungsod na ito dahil puno ito ng kayamanan. 10 Malilipol, mawawasak at magiging mapanglaw na ang Nineve! Kaya natatakot ang mga mamamayan nito, nanghihina ang buong katawan nila, nanginginig ang kanilang mga tuhod, at namumutla silang lahat. 11-12 Ang Nineve ay parang yungib na tinitirhan ng mag-asawang leon at ng mga anak nito. Walang pwedeng manakit sa kanila sa yungib. Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon ang kanyang biktima at ibinibigay sa kanyang asawa at mga anak. Pinupuno niya ang kanyang yungib ng karne ng kanyang mga biktima.[c] Pero ngayon, ang Nineve ay wawasakin na. 13 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Makinig kayong mga taga-Nineve! Kalaban ko kayo! Kaya susunugin ko ang inyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang inyong mga kawal.[d] Wawakasan ko na ang inyong pambibiktima sa lupain. Hindi na kayo makapagpapadala ng mga mensahero sa ibang bansa.”
5 Suriin ninyo ang inyong sarili kung talagang may pananampalataya kayo kay Cristo. Tingnan ninyong mabuti ang inyong sarili. Hindi nʼyo ba alam na si Cristo ay nasa inyo? – maliban na lang kung hindi kayo tunay na mananampalataya. 6 Umaasa akong makikita ninyo na tunay kaming mga apostol ni Cristo. 7 Ipinapanalangin namin sa Dios na hindi kayo gagawa ng kahit anumang masama. Ginagawa namin ito hindi para ipakita sa mga tao na sinusunod ninyo ang aming mga itinuturo, kundi para patuloy kayong gumawa ng tama, kahit sabihin man nilang hindi kami tunay na mga apostol. 8 Kailanman ay hindi kami gagawa ng labag sa katotohanan, kundi ang naaayon lamang sa katotohanan. 9 Nagagalak kami dahil sa aming pagpapakumbaba ay naging matatag kayo sa inyong pananampalataya. At ipinapanalangin namin na walang makitang kapintasan sa inyo. 10 Kaya nga isinusulat ko ito ngayon habang wala pa ako riyan, para pagdating ko, hindi ko na kailangang maging marahas sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin. Sapagkat nais kong gamitin ang kapangyarihang ito para sa inyong ikabubuti at hindi sa inyong ikapapahamak.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®