Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 133

Pagsasamahang may Pagkakaisa

133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
    At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.

Genesis 49:29-50:14

Ang Pagkamatay ni Jacob

29 Matapos habilinan ni Jacob ang mga anak niya. Sinabi niya, “Ngayon, sandali na lang at makakasama ko na ang mga kamag-anak ko sa kabilang buhay, ilibing nʼyo ako sa libingan ng aking mga ninuno, doon sa kweba na nasa sa bukid ni Efron na Heteo. 30 Ang bukid na iyon ay nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, na sakop ng Canaan. Binili ng lolo kong si Abraham ang bukid na iyon kay Efron para gawing libingan. 31 Doon siya inilibing pati ang lola kong si Sara at ang mga magulang kong sina Isaac at Rebeka, at doon ko rin inilibing si Lea. 32 Ang bukid at kweba ay binili sa mga Heteo.”

33 Pagkatapos magsalita ni Jacob sa kanyang mga anak, nahiga siya at nalagutan ng hininga. At isinama siya sa kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na.

50 Niyakap agad ni Jose ang kanyang ama at hinalikan habang umiiyak. Pagkatapos, inutusan niya ang mga lingkod niyang manggagamot na embalsamohin ang kanyang ama. Kaya inembalsamo nila ito. Tumagal ang pag-eembalsamo sa kanya ng 40 araw, ayon sa kinaugalian ng mga Egipcio. Nagluksa ang mga Egipcio sa loob ng 70 araw.

Nang matapos ang kanilang pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga opisyal ng Faraon, “Kung maaari ay sabihin ninyo sa Faraon na pahintulutan niya akong ilibing ang aking ama sa Canaan. Sapagkat bago siya namatay, ipinasumpa niya ako na ilibing ko siya sa libingang ipinagawa niya sa Canaan. Babalik din ako agad pagkatapos ng libing.”

Nang malaman ito ng Faraon, sinabi niya kay Jose, “Tuparin mo ang ipinangako mo sa iyong ama. Umalis ka at ilibing siya.”

Kaya umalis si Jose kasama ang maraming opisyal ng Faraon: ang mga tagapamahala ng palasyo at ang mga tagapamahala ng Egipto. Kasama rin ang sambahayan ni Jose at ang sambahayan ng kanyang ama, pati ang kanyang mga kapatid. Ang naiwan sa Goshen ay ang maliliit nilang anak at ang mga hayop nila. Kasama rin nila ang mga karwahe at mga mangangabayo. Talagang napakarami nila.

10 Pagdating nila sa giikan sa Atad, malapit sa Ilog ng Jordan, nagluksa sila roon para kay Jacob at labis ang kanilang pag-iyak. Labis ang kalungkutan ni Jose sa loob ng pitong araw para sa kanyang ama. 11 Nang makita ng mga Cananeo ang pagdadalamhati nila sa may giikan sa Atad, sinabi nila “Labis ang pagdadalamhati ng mga Egipcio.” Kaya ang lugar na iyon na malapit sa Ilog ng Jordan ay tinawag na Abel Mizraim.[a]

12 Tinupad ng mga anak ni Jacob ang habilin niya sa kanila. 13 Sapagkat dinala nila ang bangkay nito sa Canaan at inilibing sa kweba na nasa bukid sa Macpela, sa silangan ng Mamre. Binili ni Abraham ang bukid na ito kay Efron na Heteo para gawing libingan. 14 Pagkatapos ng libing, bumalik si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng sumama sa paglilibing.

Roma 14:13-15:2

13 Kaya nga huwag na tayong maghatulan. Sa halip, iwasan na nating gumawa ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil nakipag-isa na ako sa Panginoong Jesus, alam ko na wala talagang bawal na pagkain. Pero kung inaakala ng isang tao na bawal ang isang pagkain, dapat huwag niyang kainin. 15 Kung nasasaktan ang iyong kapatid dahil sa kinakain mo, hindi na naaayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipapahamak ang kapatid mo kay Cristo dahil lang sa pagkain, dahil namatay din si Cristo para sa kanya. 16 Huwag mong gawin ang anumang bagay na itinuturing ng iba na masama kahit na para sa iyo ito ay mabuti. 17 Sapagkat ang kaharian ng Dios ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, kundi tungkol sa matuwid na pamumuhay, magandang relasyon sa isaʼt isa, at kagalakan na mula sa Banal na Espiritu. 18 Ang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugod-lugod sa Dios at iginagalang ng kapwa.

19 Kaya pagsikapan nating gawin lagi ang mga bagay na magbibigay ng kapayapaan at makakapagpatibay sa isaʼt isa. 20 Huwag mong sirain ang pananampalataya ng isang iniligtas ng Dios nang dahil lang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay maaaring kainin, pero ang pagkain nito ay masama kapag naging dahilan ito ng pagkakasala ng iba. 21 Mas mabuti pang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gawin ang isang bagay kung iyon ang magiging dahilan ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Kaya anuman ang iyong paniniwala sa mga bagay na ito, ikaw na lang at ang Dios ang dapat makaalam. Mapalad ang taong hindi inuusig ng kanyang konsensya dahil sa paggawa ng mga bagay na alam niyang tama. 23 Pero ang sinumang kumakain nang may pag-aalinlangan ay nagkakasala[a] dahil hindi na ito ayon sa kanyang paniniwala. Sapagkat kasalanan ang anumang bagay na ginagawa natin na hindi ayon sa ating paniniwala.

Mamuhay Tayo para sa Ikabubuti ng Iba

15 Tayong malalakas sa pananampalataya ay dapat tumulong sa mga kapatid nating mahihina sa pananampalataya. Hindi lang ang sarili nating kapakanan ang dapat nating isipin, kundi ang kapakanan din ng iba, para mapalakas ang kanilang pananampalataya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®