Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagsasamahang may Pagkakaisa
133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
2 Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
3 Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.
8 Nang makita ni Israel[a] ang mga anak ni Jose, nagtanong siya, “Sino sila?”
9 Sumagot si Jose, “Sila po ang mga anak ko na ibinigay sa akin ng Dios dito sa Egipto.”
Kaya sinabi ni Israel, “Dalhin sila rito sa akin para mabasbasan ko sila.”
10 Halos hindi na makakita si Israel dahil sa katandaan, kaya dinala ni Jose ang mga anak niya papalapit kay Israel. Niyakap sila ni Israel at hinalikan.
11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi na talaga ako umaasa na makikita pa kita, pero ngayon ipinahintulot ng Dios na hindi lang ikaw ang makita ko kundi pati ang mga anak mo.”
12 Kinuha agad ni Jose ang mga anak niya sa kandungan ni Israel at yumukod siya bilang paggalang sa kanyang ama. 13 Pagkatapos, inilapit niyang muli ang mga anak niya sa lolo ng mga ito para mabasbasan sila. Si Efraim ay nasa kanan ni Jose, na nasa kaliwa ni Israel at si Manase ay nasa kaliwa ni Jose na nasa kanan ni Israel. 14 At ipinatong ni Israel ang kanang kamay niya sa ulo ni Efraim na siyang nakababata, at ipinatong ang kaliwang kamay niya sa ulo ni Manase na siya namang nakatatanda.
15 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga ito na sinasabi,
“Nawaʼy pagpalain ang mga batang ito ng Dios na pinaglingkuran ng aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, na siya ring Dios na nagbabantay sa akin simula nang ipinanganak ako hanggang ngayon.
16 At nawaʼy pagpalain din sila ng anghel na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan.
Nawaʼy maalala ako at ang aking mga ninunong sina Abraham at Isaac sa pamamagitan nila.
At nawaʼy dumami pa sila sa mundo.”
17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya ito ikinatuwa. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama para ilipat kay Manase, 18 At sinabi, “Ama hindi po iyan. Ito po ang panganay; ipatong po ninyo ang kanang kamay ninyo sa ulo niya.”
19 Pero sumagot ang kanyang ama, “Oo, alam ko anak. Ang mga lahi ni Manase ay magiging kilala ring mga bansa. Pero mas magiging kilala ang mga lahi ng nakababata niyang kapatid at magiging mas marami ang lahi nito.” 20 Kaya ginawa niya si Efraim na nakakahigit kaysa kay Manase. At sa araw na iyon, binasbasan niya ang mga ito na nagsasabing,
“Gagamitin ng mga Israelita ang pangalan mo sa pagbabasbas. Sasabihin nila, ‘Nawaʼy pagpalain ka ng Dios kagaya nina Efraim at Manase.’ ”
21 Kaya sinabi ni Israel kay Jose, “Malapit na akong mamatay, pero huwag kayong mag-aalala dahil sasamahan kayo ng Dios at pababalikin kayo sa lupain ng iyong ninuno. 22 At ikaw Jose ang magmamana ng Shekem, at hindi ang mga kapatid mo. Ang lupain na iyon na napasaakin dahil sa pakikipaglaban ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng espada at pana.”
23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.
27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.
29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®