Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pangako ni Jose sa Kanyang mga Kapatid
15 Ngayong patay na ang kanilang ama, sinabi ng mga kapatid ni Jose, “Baka nagkikimkim pa ng galit sa atin si Jose at gumanti siya sa ginawa natin sa kanya.” 16 Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose na nagsasabi, “Nagbilin ang ama natin bago siya mamatay 17 na sabihin sa iyo na patawarin mo kami sa masamang ginawa namin sa iyo. Kaya ngayon, patawarin mo sana kami alang-alang sa Dios ng ating ama.” Nang makarating ang mensahe nila kay Jose, umiyak siya.
18 Hindi nagtagal, pumunta mismo ang mga kapatid niya sa kanya. Pagdating nila, nagpatirapa sila sa harapan niya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi nila, “Handa kaming maging alipin mo.”
19 Pero sumagot si Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sino ako para makialam sa plano ng Dios? 20 Totoong nagplano kayo ng masama sa akin, pero plinano na ng Dios na magdulot iyon ng kabutihan na siyang nagligtas ng marami sa inyo sa taggutom. 21 Kaya huwag kayong matakot. Susustentuhan ko kayo ng pagkain pati ang mga anak ninyo.” Pinangakuan sila ni Jose at nakapagbigay ito ng kaligayahan sa kanila.
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
Huwag Humatol sa Kapatid
14 Tanggapin ninyo ang kapatid na mahina ang pananampalataya at huwag makipagtalo sa kanyang mga paniniwala. 2 Halimbawa, may kapatid na naniniwala na lahat ng pagkain ay maaaring kainin. Mayroon namang mahina ang pananampalataya at para sa kanya, gulay lamang ang dapat kainin. 3 Hindi dapat hamakin ng taong kumakain ng kahit ano ang tao na ang kinakain ay gulay lamang. At huwag hatulan ng tao na ang kinakain ay gulay lamang ang taong kumakain ng kahit ano. Sapagkat pareho silang tinatanggap ng Dios, 4 at sa Dios lang din sila mananagot. Kaya, sino ka para humatol sa utusan ng iba? Ang Amo[a] lang niya ang makapagsasabi kung mabuti o masama ang ginagawa niya. At talagang magagawa niya ang tama, dahil ang Panginoon ang tutulong sa kanya.
5 May mga taong naniniwala na mas mahalaga ang isang araw kaysa sa ibang mga araw. May tao namang pare-pareho lang para sa kanya ang lahat ng araw. Ang bawat tao ang bahalang magpasya para sa kanyang sarili tungkol sa bagay na iyan. 6 Ang taong may pinapahalagahang araw ay gumagawa nito para sa Panginoon. At ang tao namang kumakain ng kahit anong pagkain ay gumagawa rin nito para sa Panginoon, dahil pinapasalamatan niya ang Dios para sa kanyang pagkain. Ang hindi naman kumakain ng ilang klase ng pagkain ay gumagawa nito para sa Panginoon at nagpapasalamat din siya sa Dios. 7 Wala ni isa man sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung tayoʼy nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayoʼy mamamatay, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya mabuhay man tayo o mamatay, tayoʼy sa Panginoon. 9 Ito ang dahilan kung bakit namatay at muling nabuhay si Cristo, para maging Panginoon siya ng mga buhay at mga patay. 10 Kaya huwag ninyong hahatulan o hahamakin ang inyong kapatid kay Cristo. Sapagkat tayong lahat ay haharap sa Dios, at siya ang hahatol kung ang ginawa natin ay mabuti o masama. 11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ako, ang Panginoon na buhay ay sumusumpa na darating ang araw na luluhod ang lahat ng tao sa akin at kikilalanin akong Dios.”[b] 12 Kaya lahat tayoʼy mananagot sa Dios sa lahat ng ating mga ginawa.
Ang Talinghaga tungkol sa Utusan na Ayaw Magpatawad
21 Lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid na laging nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” 22 Sumagot si Jesus, “Hindi lang pitong beses kundi 77 beses. 23 Sapagkat ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na nagpatawag sa mga alipin niya para singilin sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan na niya ang paniningil, dinala sa kanya ang isang alipin na nagkautang sa kanya ng milyon-milyon. 25 Dahil hindi siya makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya bilang alipin, pati ang kanyang asawaʼt mga anak, at lahat ng ari-arian niya, para mabayaran ang kanyang utang. 26 Nagmamakaawang lumuhod ang aliping iyon sa hari, ‘Bigyan nʼyo pa po ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa sa kanya ang hari, kaya pinatawad na lang siya sa kanyang utang at pinauwi.
28 “Pagkaalis ng aliping iyon, nakasalubong niya ang isang kapwa alipin na nagkakautang sa kanya ng kaunting halaga. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay sabi, ‘Bayaran mo ang utang mo sa akin.’ 29 Lumuhod ang kapwa niya alipin at nagmakaawa, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kita.’ 30 Pero hindi siya pumayag. Sa halip, ipinakulong niya ang kapwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31 Nang makita ito ng iba pang utusan, sumama ang loob nila, kaya pumunta sila sa hari at isinumbong ang lahat ng nangyari. 32 Ipinatawag ng hari ang alipin at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong utusan! Pinatawad kita sa utang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo alipin gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Sa galit ng hari, ipinakulong niya ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang niya.” 35 At pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ganyan din ang gagawin ng inyong Amang nasa langit kung hindi kayo magpapatawad nang buong puso sa inyong kapwa.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®