Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.
72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.
2 “Kung ang isang lalaki o babae na naninirahan sa isa sa mga bayan na ibinibigay ng Panginoon ay nahuling gumagawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong Dios, sinira niya ang kasunduan sa Panginoon 3 at sumuway sa pamamagitan ng pagsamba sa ibang mga dios o sa araw o sa buwan o sa mga bituin; 4 kapag narinig ninyo ito, kailangang imbestigahan ninyo ito nang mabuti. Kung totoo ngang ginawa sa Israel ang kasuklam-suklam na bagay na ito, 5 dalhin ninyo ang taong gumawa ng masama sa pintuan ng lungsod at batuhin hanggang sa mamatay. 6 Pwede lang patayin ang tao kapag napatunayang nagkasala siya sa pamamagitan ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi, pero kung isa lang ang saksi, hindi siya pwedeng patayin. 7 Ang mga saksi ang unang babato sa taong nagkasala, at susunod na babato ang lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8 “Kung may mga kaso sa korte ninyo tungkol sa pagpatay, pag-aaway o pananakit na mahirap bigyan ng desisyon; ang gawin ninyo, dalhin ninyo ang kasong ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios 9 kung saan ang mga pari na mga Levita at ang mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon ang magdedesisyon sa kaso. 10 Kailangang tanggapin ninyo ang kanilang desisyon doon sa lugar na pinili ng Panginoon. Sundin ninyong mabuti ang lahat ng sinabi nila sa inyo. 11 Kung anuman ang kanilang napagdesisyunan ayon sa kautusan, dapat ninyo itong sundin. Huwag ninyong susuwayin ang sinabi nila sa inyo. 12 Ang taong hindi tatanggap sa desisyon ng hukom o ng pari na naglilingkod sa Panginoon na inyong Dios ay dapat patayin. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. 13 Kapag narinig ito ng lahat ng tao, matatakot sila at hindi na muling gagawa ng bagay na iyon.
Tungkulin sa mga Pinuno ng Bayan
13 Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan. Sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Dios, at siya ang naglagay sa mga namumuno sa kanilang pwesto. 2 Kaya ang mga lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Dios, at dahil dito parurusahan niya sila. 3 Ang mga namumuno ay hindi dapat katakutan ng mga gumagawa ng mabuti. Ang dapat matakot sa kanila ay ang mga gumagawa ng masama. Kaya kung nais mo na wala kang ikatakot sa mga namumuno, gawin mo ang mabuti at pupurihin ka pa nila. 4 Sapagkat ang mga namumuno sa bayan ay mga lingkod ng Dios para sa ating ikabubuti. Pero kung gagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil may kapangyarihan silang parusahan ka. Silaʼy mga lingkod ng Dios na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5 Kaya magpasakop kayo sa pamahalaan, hindi lang para maiwasan ang parusa kundi dahil ito ang nararapat gawin.
6 Iyan din ang dahilan kung bakit tayo nagbabayad ng buwis. Sapagkat ang mga namumuno ay lingkod ng Dios at inilalaan nila ang kanilang buong panahon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 7 Kaya ibigay ninyo ang nararapat ibigay. Bayaran ninyo ang inyong mga buwis, igalang ang dapat igalang, at parangalan ang dapat parangalan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®