Revised Common Lectionary (Complementary)
33 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
at habang nabubuhay itoʼy aking susundin.
34 Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan,
at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan.
35 Pangunahan nʼyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos,
dahil ito ang aking kasiyahan.
36 Bigyan nʼyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman.
37 Ilayo nʼyo ako sa pagnanais ng mga bagay na walang kabuluhan.
Panatilihin nʼyo ang aking buhay[a] ayon sa inyong pangako.
38 Tuparin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
na siyang mga ipinangako nʼyo sa mga may takot sa inyo.
39 Alisin nʼyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan,
dahil mabuti ang inyong mga tuntunin.
40 Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin.
Dahil kayoʼy matuwid, panatilihin nʼyo akong buhay.[b]
Ang Pagpatay sa Asawa ni Ezekiel
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, 16 “Anak ng tao, kukunin kong bigla ang babaeng pinakamamahal mo. Ngunit huwag mo siyang ipagluluksa o iiyakan man. 17 Maaari kang magbuntong-hininga pero huwag mong ipapakita ang kalungkutan mo. Huwag mong alisin ang turban mo at sandalyas. Huwag mong tatakpan ang mukha mo para ipakitang nagluluksa ka. Huwag ka ring kumain ng pagkaing ibinibigay para sa namatayan.”
18 Kinaumagahan, sinabi ko ito sa mga tao, at kinagabihan din ay namatay ang asawa ko. Nang sumunod na umaga, sinunod ko ang iniutos sa akin ng Panginoon. 19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang gusto mong sabihin sa ginagawa mong iyan?” 20-21 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoong Dios na sabihin ko ito sa mga mamamayan ng Israel: Nakahanda na akong dungisan ang aking templo na siyang sagisag ng ipinagmamalaki ninyong kapangyarihan, ang inyong kaligayahan at pinakamamahal. Mamamatay sa digmaan ang mga anak ninyong naiwan sa Jerusalem. 22 At gagawin ninyo ang ginawa ni Ezekiel. Hindi ninyo tatakpan ang inyong mukha at hindi kayo kakain ng pagkaing ibinibigay sa namatayan. 23 Hindi nʼyo rin aalisin ang mga turban ninyo at sandalyas. Hindi kayo magluluksa o iiyak man. Manghihina kayo dahil sa mga kasalanan ninyo at magsisidaing sa isaʼt isa. 24 Magiging halimbawa sa inyo si Ezekiel. Ang mga ginawa niya ay gagawin nʼyo rin. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ako ang Panginoong Dios.”
25 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, sa oras na gibain ko na ang templo na siyang kanilang kanlungan, ipinagmamalaki, kaligayahan at pinakamamahal, at kapag pinatay ko na ang kanilang mga anak, 26 may makakatakas mula sa Jerusalem na siyang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na iyon, muli kang makakapagsalita at makakapag-usap kayong dalawa. Magiging babala ka sa mga tao, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
15 At paano makakapangaral ang sinuman kung hindi naman siya isinugo? Ayon sa Kasulatan, “Napakagandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng magandang balita.”[a] 16 Pero hindi naman tinatanggap ng lahat ang Magandang Balita. Sinabi nga ni Isaias, “Panginoon, sino po ba ang naniwala sa sinabi namin?”[b]
17 Sasampalataya lang ang tao kung maririnig niya ang mensahe tungkol kay Cristo, at maririnig lang niya ito kung may mangangaral sa kanya. 18 Ito ngayon ang tanong ko: Hindi ba nakarinig ang mga Israelita? Nakarinig sila, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Narinig sa lahat ng dako ang kanilang tinig, at ang sinabi nila ay nakarating sa buong mundo.”[c] 19 Kung ganoon, hindi ba nila ito naunawaan? Naunawaan nila, dahil ayon sa isinulat ni Moises, sinabi ng Dios sa kanila, “Iinggitin ko kayo sa pamamagitan ng ibang bansa. Iinisin ko kayo dahil ipapakita ko ang aking awa sa mga taong hindi nakakakilala sa akin.”[d] 20 At buong tapang naman na sinabi ni Isaias ang sinabing ito ng Dios:
“Natagpuan ako ng mga taong hindi naghahanap sa akin. Ipinakilala ko ang aking sarili sa mga hindi nagtatanong tungkol sa akin.”[e]
21 Pero tungkol naman sa Israel, ito ang sinabi ng Dios: “Matagal akong nanawagan at naghintay sa isang bansang matigas ang ulo at suwail.”[f]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®