Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Dalangin ng Taong Matuwid
17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
2 Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
3 Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
4 gaya ng ginagawa ng iba.
Dahil sa inyong mga salita,
iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
5 Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.
6 O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
7 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
8 Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
9 Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
at nakahandang sumakmal ng mga biktima.
13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.
Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.
15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.
27 Pagkatapos ng pagluluksa, ipinasundo siya ni David at dinala sa palasyo. Naging asawa siya ni David at hindi nagtagal, nanganak siya ng isang lalaki. Pero ang ginawa ni David ay masama sa paningin ng Panginoon.
Sinaway ni Natan si David
12 Ngayon, isinugo ng Panginoon si Propeta Natan kay David. Pagdating niya kay David, sinabi niya, “May dalawang taong nakatira sa isang bayan. Ang isaʼy mayaman at ang isaʼy mahirap. 2 Ang mayaman ay maraming tupa at baka, 3 pero ang mahirap ay isa lang ang tupa na binili pa niya. Inalagaan niya ito at lumaking kasabay ng mga anak niya. Pinapakain niya ito ng pagkain niya, at pinapainom sa baso niya, at kinakarga-karga pa niya ito. Itinuturing niya itong parang anak niyang babae. 4 Minsan, may dumating na bisita sa bahay ng mayaman, pero ayaw niyang katayin ang baka o tupa niya para ipakain sa bisita niya. Kaya kinuha niya ang tupa ng mahirap at ito ang inihanda niya para sa bisita niya.”
5 Labis na nagalit si David sa mayaman at sinabi niya kay Natan, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na dapat patayin ang taong gumawa niyan. 6 Dapat niyang bayaran ng hanggang apat na beses ang halaga ng isang tupang kanyang kinuha dahil wala siyang awa.”
7 Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang taong iyon! Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Pinili kitang hari ng Israel at iniligtas kita kay Saul. 8 Ibinigay ko sa iyo ang kaharian at mga asawa niya. Ginawa kitang hari ng buong Israel at Juda. At kung kulang pa ito, bibigyan pa sana kita nang mas marami pa riyan. 9 Pero bakit hindi mo sinunod ang mga utos ko, at ginawa mo ang masamang bagay na ito sa paningin ko? Ipinapatay mo pa si Uria na Heteo sa labanan; ipinapatay mo siya sa mga Ammonita, at kinuha mo ang asawa niya. 10 Kaya dahil sa ginawa mo, mula ngayon, palagi nang magkakaroon ng labanan at patayan sa pamilya mo, dahil sinuway mo ako at kinuha ang asawa ni Uria upang maging iyong asawa.’
11 “Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: May isang miyembro ng sambahayan mo ang maghihimagsik laban sa iyo. Ibibigay ko ang mga asawa mo sa taong iyon na hindi iba sa iyo at sisiping siya sa kanila na kitang-kita ng mga tao. 12 Ginawa mo ito nang lihim pero ang gagawin koʼy makikita nang hayagan ng buong Israel.”
13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako sa Panginoon.” Sumagot si Natan, “Pinatawad ka na ng Panginoon at hindi ka mamamatay sa kasalanang ginawa mo. 14 Pero dahil sa ginawa mo, binigyan mo ng dahilan ang mga kalaban ng Panginoon na lapastanganin siya kaya siguradong mamamatay ang anak mo.” 15 Nang makauwi na si Natan, ipinahintulot ng Panginoon na magkasakit ng malubha ang anak ni David kay Batsheba.
Ang Sulat para sa Iglesya sa Filadelfia
7 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Filadelfia:
“Ito ang mensahe ng banal at mapagkakatiwalaan na may hawak ng susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pinto ng kaharian, walang makapagsasara nito. At kapag isinara niya, wala sinumang makapagbubukas nito: 8 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Kahit kakaunti ang inyong kakayahan, sinunod ninyo ang mga turo ko at naging tapat kayo sa akin. Kaya nagbukas ako ng pintuan para sa inyo na walang sinumang makapagsasara. 9 Makinig kayo! Ito naman ang gagawin ko sa mga kampon ni Satanas na mga sinungaling at nagpapanggap na mga Judio: Paluluhurin ko sila sa harapan ninyo, at malalaman nila na mahal ko kayo. 10 Darating ang matinding kahirapan sa buong mundo na susubok sa mga tao. Ngunit dahil sinunod ninyo ang utos ko na magtiis, ililigtas ko kayo sa panahong iyon. 11 Malapit na akong dumating. Kaya ipagpatuloy ninyo ang mabubuti ninyong gawa upang hindi maagaw ng kahit sino ang gantimpalang inihanda para sa inyo. 12 Ang magtatagumpay ay gagawin kong parang haligi sa bahay ng aking Dios, at hindi na siya aalis doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Dios at ang pangalan ng lungsod ng Dios, ang bagong Jerusalem na bababa mula sa langit. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.
13 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®