Revised Common Lectionary (Complementary)
15 Sinabi ni Jeremias, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat! Alalahanin at tulungan nʼyo po ako. Ipaghiganti nʼyo ako sa mga umuusig sa akin. Alam ko na hindi kayo madaling magalit, kaya huwag nʼyo po akong hayaang mamatay. Alalahanin nʼyo po ang mga paghihirap ko dahil sa inyo. 16 Noong nagsalita kayo sa akin, pinakinggan ko po kayo. Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko; at akoʼy sa inyo, O Panginoong Dios na Makapangyarihan. 17 Hindi po ako sumama sa mga kasayahan at kagalakan nila. Nag-iisa po ako dahil nakikipag-usap kayo sa akin at sinabi nʼyo sa akin ang tungkol sa galit ninyo. 18 Bakit hindi po natatapos ang paghihirap ko? Bakit hindi na gumagaling ang mga sugat ko? Hindi na po ba magagamot ang mga ito? Bibiguin nʼyo po ba ako na parang sapa na natutuyo kapag tag-araw?”
19 Kaya sinabi sa akin ng Panginoon, “Kung magsisisi ka, pababalikin kita sa piling ko para patuloy kang makapaglingkod sa akin. Kung magsasalita ka ng mga makabuluhang bagay at iiwasan ang mga bagay na walang kabuluhan, muli kitang gagawing tagapagsalita ko. Kinakailangang sila ang lumapit sa iyo at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. 20 Gagawin kitang parang matibay na tansong pader para sa mga taong ito. Kakalabanin ka nila pero hindi ka nila matatalo, dahil kasama mo ako. Iingatan kita at ililigtas. 21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at mararahas na tao.”
Ang Panalangin ng Taong Matuwid
26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
2 Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
3 dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
4 Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
5 Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
8 Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.
9 Magmahalan kayo nang tapat. Iwasan ninyo ang masama at laging gawin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid kay Cristo at maging magalang sa isaʼt isa. 11 Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon. 12 At dahil may pag-asa kayo sa buhay, magalak kayo. Magtiis kayo sa mga paghihirap at laging manalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga pinabanal[a] ng Dios na nangangailangan, at patuluyin ninyo sa inyong mga tahanan ang walang matutuluyan. 14 Idalangin ninyo sa Dios na pagpalain ang mga taong umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila sa halip na sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makiramay kayo sa mga naghihinagpis. 16 Mamuhay kayo nang mapayapa sa isaʼt isa.[b] Huwag kayong magmataas, sa halip ay makipagkaibigan kayo sa mga taong mababa ang kalagayan. Huwag kayong magmarunong.
17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang mga gumagawa sa inyo ng masama. Gawin ninyo ang mabuti sa paningin ng lahat. 18 Hanggaʼt maaari, mamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti. Ipaubaya ninyo iyan sa Dios. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa Kasulatan, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[c] 20 Kaya, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo. Kung siyaʼy nauuhaw, painumin mo. Dahil kapag ginawa mo ang mga ito, mapapahiya siya sa kanyang sarili.”[d] 21 Huwag kayong patatalo sa masama kundi talunin ninyo ang masama sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
21 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat siyang pumunta sa Jerusalem at dumanas ng maraming paghihirap sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At siyaʼy ipapapatay nila, pero sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay. 22 Nang marinig ito ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.” 23 Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Pinipigilan mo akong gawin ang kalooban ng Dios, dahil hindi ayon sa kalooban ng Dios ang iniisip mo kundi ayon sa kalooban ng tao!”
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 25 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ano ba ang mapapala ng tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kanyang buhay? May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay darating kasama ang mga anghel, at taglay ang kapangyarihan ng Ama. Sa araw na iyon, gagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. 28 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®