Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 26:1-8

Ang Panalangin ng Taong Matuwid

26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
    dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
    at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
    Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
    at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
    at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
    Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
    na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
    Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
    na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.

Jeremias 15:1-9

Ang Parusa para sa mga Taga-Juda

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila! Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ko: ‘Ang mga itinalagang mamatay ay mamamatay. Ang ibaʼy itinalagang mamatay sa digmaan at ang ibaʼy sa taggutom. Ang iba namaʼy itinalagang bihagin.’

Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng mamumuksa: Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop. Kamumuhian sila ng lahat ng bansa sa mundo dahil sa ginawa ni Manase na anak ni Hezekia sa Jerusalem noong hari pa siya ng Juda.

O mga taga-Jerusalem, sino kaya ang mahahabag sa inyo? Sino kaya ang malulungkot para sa inyo? At sino kaya ang magtatanong tungkol sa inyong kalagayan? Itinakwil nʼyo ako; palagi nʼyo akong tinatalikuran. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing iuunat ko na ang mga kamay ko para lipulin kayo. Sawa na akong kahabagan kayo. Parurusahan ko kayo na parang ipa na tinatahip sa pintuan ng lungsod. Lilipulin ko kayo at ang mga anak ninyo, dahil hindi ninyo tinalikuran ang inyong masasamang ugali. Pararamihin ko ang inyong mga biyuda na parang mas marami pa kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Sa katanghaliang tapat, ipapadala ko ang lilipol sa mga ina ng mga kabataan ninyong lalaki. Biglang darating sa inyo ang pagdadalamhati at takot. May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki. Hihimatayin siya at mahihirapang huminga. Ang kanyang mga anak ay parang araw na lumubog nang napakaaga pa. Mapapahiya siya dahil wala na siyang anak. At ang mga matitirang buhay ay ipapapatay ko rin sa mga kaaway. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

2 Tesalonica 2:7-12

Kahit ngayon, palihim nang kumikilos ang kasamaan ng taong ito, at mananatiling palihim hanggaʼt hindi pa inaalis ang pumipigil sa pagpapakita niya. Ihahayag siya kapag inalis na ang pumipigil. Ngunit sa pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo, papatayin niya ang masamang taong ito sa pamamagitan lang ng isang ihip niya.

Ihahayag ang taong masama na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng nakalilinlang na himala, kababalaghan, at kamangha-manghang bagay. 10 Gagamitin niya ang lahat ng uri ng pandaraya sa mga taong mapapahamak. Mapapahamak sila dahil ayaw nilang pahalagahan ang katotohanang makakapagligtas sana sa kanila. 11 Kaya pababayaan na lang sila ng Dios sa matinding pagkalinlang para maniwala sila sa kasinungalingan, 12 nang sa ganoon, maparusahan ang lahat ng ayaw maniwala sa katotohanan at nagpakaligaya sa kasamaan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®