Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 26:1-8

Ang Panalangin ng Taong Matuwid

26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
    dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
    at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
    Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
    at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
    at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
    Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
    na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
    Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
    na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.

Jeremias 14:13-18

13 Pero sinabi ko, “O Panginoong Dios, alam nʼyo po na laging sinasabi sa kanila ng mga propeta na wala raw digmaan o taggutom na darating dahil sinabi nʼyo raw na bibigyan nʼyo sila ng kapayapaan sa bansa nila.” 14 Sumagot ang Panginoon, “Ang mga propetang iyan ay nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga inihuhula nila. 15 Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga sinungaling na propetang iyan. Nagsasalita sila sa pangalan ko kahit na hindi ko sila sinugo. Sinasabi nilang walang darating na digmaan o taggutom sa bansang ito, pero sa digmaan at taggutom sila mapapahamak. 16 At tungkol naman sa mga taong naniniwala sa sinabi nila, ang mga bangkay nilaʼy itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem. Mamamatay sila sa digmaan at taggutom. Walang maglilibing sa kanila, sa mga asawa nila, at sa mga anak nila. Papatawan ko sila ng parusang nararapat sa kanila.

17 Jeremias, sabihin mo ito sa mga tao: Araw-gabi, walang tigil ang pag-iyak ko dahil malubha ang sugat ng mga mamamayan ko na aking itinuturing na birheng anak, at totoong nasasaktan ako. 18 Kung pupunta ako sa mga bukid at lungsod, nakikita ko ang mga bangkay ng mga namatay sa digmaan at taggutom. Ang mga propeta at pari ay patuloy sa gawain nila pero hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila.”[a]

Efeso 5:1-6

Mamuhay Bilang mga Taong Naliwanagan

Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.

Dahil mga banal kayo, hindi nararapat na ang isa man sa inyo ay masabihang siya ay malaswa, mahalay at sakim. At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Dios. Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Cristo at ng Dios. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga dios-diosan.

Huwag kayong padadala sa walang kabuluhang pangangatwiran ng iba tungkol sa masasama nilang gawain, dahil galit ang Dios sa mga suwail.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®