Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 18:1-3

Awit ng Tagumpay ni David(A)

18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
    dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

Salmo 18:20-32

20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
    Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
    At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
    at nagbabantay sa aking daraanan.

Deuteronomio 32:18-20

18 Kinalimutan nila ang Dios na Bato na kanlungan na lumikha sa kanila.
19 Nakita ito ng Panginoon,
at dahil sa kanyang galit, itinakwil niya sila na kanyang mga anak.
20 Sinabi niya, “Tatalikuran ko sila, at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,
sapagkat silaʼy masamang henerasyon, mga anak na hindi matapat.

Deuteronomio 32:28-39

28 Ang Israel ay isang bansa na walang alam at pang-unawa.
29 Kung matalino lang sila, mauunawaan sana nila ang kanilang kahihinatnan.
30 Paano ba mahahabol ng isang tao ang 1,000 Israelita?
Paano matatalo ng dalawang tao ang 10,000 sa kanila?
Mangyayari lamang ito kung ibinigay sila ng Panginoon na kanilang Bato na kanlungan.
31 Sapagkat ang Bato na kanlungan ng ating mga kaaway ay hindi katulad ng ating batong kanlungan;
at kahit sila ay nakakaalam nito.
32 Kasinsama ng mga naninirahan sa Sodom at Gomora ang ating mga kaaway,
katulad ng ubas na mapait at nakakalason ang bunga,
33 at katulad ng alak na gawa sa kamandag ng ahas.
34 Nalalaman ng Panginoon ang kanilang ginagawa,
iniipon niya muna ito at naghihintay ng tamang panahon para parusahan sila.
35 Sabi niya, “Ako ang maghihiganti at magpaparusa sa kanila,
sapagkat darating ang panahon na madudulas sila.
Malapit nang dumating ang panahon ng kanilang pagbagsak.”
36 Ipagtatanggol ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan;
kaaawaan niya ang kanyang mga lingkod, kapag nakita niya na wala na silang lakas at kakaunti na lang ang natira sa kanila, alipin man o hindi.
37 At pagkatapos ay magtatanong ang Panginoon sa kanyang mamamayan, “Nasaan na ngayon ang inyong mga dios, ang batong kanlungan ninyo?
38 Nasaan na ngayon ang inyong mga dios na kumakain ng taba at umiinom ng alak na inyong handog?
Magpatulong kayo sa kanila, at gawin ninyo silang proteksyon!
39 Tingnan ninyo ngayon; ako lang ang Dios!
Wala nang iba pang dios maliban sa akin.
Ako ang pumapatay at ako ang nagbibigay-buhay;
ako ang sumusugat at nagpapagaling,
at walang makatatakas sa aking mga kamay.

Roma 11:33-36

Papuri sa Dios

33 Napakadakila ng kabutihan ng Dios! Napakalalim ng kanyang karunungan at kaalaman! Hindi natin kayang unawain ang kanyang mga pasya at pamamaraan! 34 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan:

    “Sino kaya ang makakaunawa sa kaisipan ng Panginoon?
    Sino kaya ang makakapagpayo sa kanya?[a]
35 Sino kaya ang makakapagbigay ng anuman sa kanya
    para tumanaw siya ng utang na loob?”[b]

36 Sapagkat ang lahat ng bagay ay nanggaling sa kanya, at nilikha ang mga ito sa pamamagitan niya at para sa kanya. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®