Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Tagumpay ni David(A)
18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
2 Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
3 Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.
28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
Ang inyong mga salita ay maaasahan.
Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
at nagbabantay sa aking daraanan.
3 Sinabi ni Samuel sa kanila, “Kung taos sa puso ninyo ang pagbabalik-loob sa Panginoon, itapon ninyo ang inyong mga dios-diosan pati na ang imahen ni Ashtoret. Ilaan ninyo ang inyong buhay sa Panginoon lamang at siya lang ang inyong paglingkuran. Kung gagawin ninyo ang mga ito, ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.” 4 Kaya itinapon nila ang mga imahen ni na Baal at Ashtoret, at sa Panginoon lamang sila naglingkod.
5 Pagkatapos, sinabi ni Samuel sa mga Israelita, “Magtipon kayong lahat sa Mizpa at ipapanalangin ko kayo sa Panginoon.” 6 Nang magkatipon na silang lahat sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harap ng presensya ng Panginoon. Nang araw na iyon, hindi sila kumain buong araw at nagsisi sa mga kasalanang ginawa nila sa Panginoon. Pinamunuan ni Samuel ang Israel doon sa Mizpa.
7 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na nagtitipon ang mga Israelita sa Mizpa, naghanda ang mga pinuno ng mga Filisteo para salakayin sila. Nang mabalitaan ito ng mga Israelita, natakot sila sa mga Filisteo. 8 Sinabi nila kay Samuel, “Huwag po kayong tumigil sa pananalangin sa Panginoon na ating Dios na iligtas niya tayo sa mga Filisteo.” 9 Kaya kumuha si Samuel ng isang batang tupa at sinunog ito nang buo bilang handog na sinusunog para sa Panginoon. Humingi siya ng tulong sa Panginoon para sa Israel at sinagot siya ng Panginoon.
10 Habang iniaalay ni Samuel ang handog na sinusunog, dumating ang mga Filisteo para makipaglaban sa mga Israelita. Pero sa araw na iyon, nagpakulog nang malakas ang Panginoon kaya natakot at nalito ang mga Filisteo, at nagsitakas sila sa mga Israelita. 11 Hinabol sila at pinatay ng mga Israelita sa daan mula sa Mizpa hanggang sa Bet Car.
12 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa gitna ng Mizpa at Shen. Pinangalanan niya itong Ebenezer dahil sinabi niya, “Hanggang ngayon, tinutulungan kami ng Panginoon.” 13 Kaya natalo nila ang mga Filisteo, at hindi na nila muli pang sinalakay ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Samuel dahil ang Panginoon ay laban sa mga Filisteo.
Ang Hatol ng Dios
2 Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Pero maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon. 2 Alam nating makatarungan ang hatol ng Dios sa mga taong gumagawa ng kasamaan. 3-4 Pero sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Ang akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Dios dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Dios ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo. 5 Pero dahil sa matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi, pinabibigat mo ang parusa ng Dios sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol. 6 Sapagkat ibibigay ng Dios sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa.[a] 7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan. 8 Sa iba naman na walang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Dios ang kanyang matinding galit. 9 Lahat ng taong gumagawa ng masama ay parurusahan ng Dios, ang mga Judio muna bago ang mga hindi Judio. 10 Ngunit bibigyan ng Dios ng papuri, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Judio bago ang mga hindi Judio. 11 Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®