Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 51:1-6

Ang Panawagang Magtiwala sa Panginoon

51 1-2 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo sa akin, kayong mga gustong maligtas[a] at humihingi ng tulong sa akin. Alalahanin ninyo sina Abraham at Sara na inyong mga ninuno. Katulad sila ng batong pinagtibagan sa inyo o pinaghukayan sa inyo. Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya, pero pinagpala ko siya at binigyan ng maraming lahi.

“Kaaawaan ko ang Jerusalem[b] na nawasak. Ang mga disyerto nito ay gagawin kong parang halamanan ng Eden. Maghahari sa Jerusalem ang kagalakan, pasasalamat at pag-aawitan.

“Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. Dinggin ninyo ako, O bansa ko! Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa. Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar[c] ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan. Tingnan ninyo ang langit at ang mundo. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang mundo na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Pero ang kaligtasan na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang tagumpay at katuwiran na mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.

Salmo 138

Pasasalamat sa Dios

138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
    Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
    Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
    dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
    dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
    At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
    Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
    Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
    Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
    Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.

Roma 12:1-8

Pamumuhay Bilang Cristiano

12 Kaya nga mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Dios, ibigay ninyo sa kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa kanya. Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Dios – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin.

Sa biyayang ipinagkaloob ng Dios sa akin, sinasabi ko sa inyo na huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili ng higit sa nararapat. Sa halip, suriin ninyong mabuti ang inyong kakayahan ayon sa pananampalatayang ibinigay ng Dios sa inyo. Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at ang bawat bahagi ay may kanya-kanyang gawain, ganoon din tayong mga mananampalataya. Kahit na marami tayo, iisang katawan lang tayo kay Cristo, at magkakaugnay tayo sa isaʼt isa. Ibaʼt iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Dios ayon sa kanyang biyaya, kaya gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang kaloob ng isang tao ay pagpapahayag ng salita ng Dios, kailangang ipahayag niya ito ayon sa kanyang pananampalataya. Kung ang kaloob niya ay paglilingkod sa kapwa, maglingkod siya. Kung pagtuturo, magturo siya; kung pagpapayo, magpayo siya nang mabuti; kung pagbibigay, magbigay siya nang maluwag; kung pamumuno, mamuno siya nang buong sikap; at kung pagtulong sa nangangailangan, tumulong siya nang may kagalakan.

Mateo 16:13-20

Ang Pahayag ni Pedro Tungkol kay Jesus(A)

13 Nang makarating si Jesus sa lupain ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga tagasunod, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin na Anak ng Tao?” 14 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing kayo si Jeremias o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong sila ni Jesus, “Pero sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka ng Dios, Simon na anak ni Jonas. Sapagkat hindi tao ang nagpahayag sa iyo ng bagay na ito kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw si Pedro,[a] at sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya,[b] at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan.[c] 19 Ibibigay ko sa iyo ang kapangyarihan[d] sa kaharian ng Dios.[e] Anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot mo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.” 20 Pagkatapos nito, sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®