Revised Common Lectionary (Complementary)
Pasasalamat sa Dios
138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
2 Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
3 Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
4 Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
5 Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
6 Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
7 Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
8 Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
33 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag nalinis ko na kayo sa lahat ng kasalanan ninyo, patitirahin ko kayong muli sa lungsod ninyo, at muli ninyong itatayo ang mga bayan na nawasak. 34 Ang mga lupaing walang pakinabang noon ay bubungkalin na ngayon. At ang lahat ng makakakita nito 35 ay magsasabi, ‘Ang lupaing walang pakinabang noon, ngayon ay parang hardin na ng Eden. Ang mga lungsod na giba at mapanglaw noon, ngayon ay tinitirhan at napapaderan na.’ 36 At malalaman ng mga bansang nakatira sa palibot ninyo na ako ang Panginoong nagtayo ng mga nawasak at nagtanim sa mga ilang na lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ito.”
37-38 Patuloy pang sinabi ng Panginoong Dios, “Pakikinggan kong muli ang mga kahilingan ng mga mamamayan ng Israel, at ito pa ang gagawin ko sa kanila. Pararamihin ko sila na kasindami ng mga tupa na inihahandog sa Jerusalem sa panahon ng pista. Kaya ang mga nawasak na lungsod ay titirhan na ng maraming tao. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Babala ni Jesus tungkol sa Turo ng mga Pariseo at mga Saduceo(A)
5 Tumawid ng lawa si Jesus at ang mga tagasunod niya, pero nakalimutan ng mga tagasunod na magbaon ng pagkain. 6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[a] ng mga Pariseo at mga Saduceo.” 7 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 8 Pero alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan ang hindi ninyo pagdadala ng tinapay? Kay liit ng pananampalataya ninyo! 9 Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ko sa limang tinapay para mapakain ang 5,000 tao? Hindi ba ninyo naalala kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 10 Nakalimutan na rin ba ninyo ang ginawa ko sa pitong tinapay para mapakain ang 4,000 tao, at kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 11 Hindi ba ninyo naiintindihan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at Saduceo?’ ” 12 At saka lang nila naintindihan na hindi pala sila pinag-iingat sa pampaalsa kundi sa mga aral ng mga Pariseo at Saduceo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®