Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 138

Pasasalamat sa Dios

138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
    Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
    Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
    dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
    dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
    At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
    Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
    Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
    Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
    Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.

Ezekiel 31:15-18

15 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag dumating na ang araw na ang punong itoʼy pupunta na sa lugar ng mga patay,[a] patitigilin ko ang pag-agos ng mga bukal sa ilalim. Tanda ito ng pagluluksa. Kaya hindi na aagos ang mga ilog, at mawawala ang maraming tubig. Dahil dito, magdidilim sa Lebanon at malalanta ang mga punongkahoy. 16 Manginginig sa takot ang mga bansa kapag narinig nila ang pagbagsak ng punong ito sa oras na dalhin ko na ito sa lugar ng mga patay, para makasama niya ang mga namatay na. Sa gayon, ang lahat ng puno sa Eden at ang lahat ng magaganda at piling puno ng Lebanon na natutubigang mabuti ay matutuwa roon sa ilalim ng lupa. 17 Ang mga bansang sumisilong at kumakampi sa kanya ay sasama rin sa kanya roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga namatay sa digmaan.

18 “Sa anong puno sa Eden maihahambing ang kagandahan mo at kapangyarihan, Faraon? Pero ihuhulog ka rin sa ilalim ng lupa kasama ng mga puno ng Eden. Doon ay magkakasama kayo ng mga taong hindi naniniwala sa Dios[b] na namatay sa digmaan.

“Iyan ang mangyayari sa Faraon at sa mga tauhan niya. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

2 Corinto 10:12-18

12 Hindi namin ibinibilang o ikinukumpara ang aming sarili sa mga iba na mataas ang tingin sa sarili. Mga hangal sila, dahil sinusukat nila at kinukumpara ang kani-kanilang sarili. 13 Pero kami ay hindi nagmamalaki sa mga gawaing hindi na namin sakop, kundi sa mga gawain lamang na ibinigay sa amin ng Dios, at kasama na rito ang gawain namin sa inyo. 14 Kung hindi kami nakarating diyan, pwede nilang sabihin na labis ang aming pagmamalaki. Pero ang totoo, kami ang unang dumating sa inyo at nangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Kaya hindi labis ang aming pagmamalaki dahil hindi namin inaangkin at ipinagmamalaki ang pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kami na sa paglago ninyo sa pananampalataya ay lalawak pa ang gawain namin sa inyo, ayon sa ipinapagawa sa amin ng Dios. 16 Pagkatapos, maipangangaral naman namin ang Magandang Balita sa iba pang mga lugar na malayo sa inyo. Sapagkat ayaw naming angkinin at ipagmalaki ang pinaghirapan ng iba. 17 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Kung mayroong nais magmalaki, ipagmalaki na lang niya kung ano ang ginawa ng Panginoon.” 18 Sapagkat nalulugod ang Panginoon sa taong kanyang pinupuri at hindi sa taong pumupuri sa sarili.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®