Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 67

Awit ng Pasasalamat

67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
    dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
    Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
    At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.

Isaias 63:15-19

15 Tingnan nʼyo po kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihan na ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin? 16 Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob[a] na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.

17 Panginoon, bakit nʼyo kami pinahintulutang mapalayo sa inyong mga pamamaraan? Bakit pinatitigas nʼyo ang aming mga puso na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo? Magbalik po kayo sa amin, dahil kami ay mga lingkod nʼyo at tanging sa inyo lamang. 18 Sa maikling panahon, ang mga mamamayan ninyo ang nagmay-ari ng inyong templo. At ngayon, giniba na ito ng aming mga kaaway. 19 Kami ay inyo mula pa noon, pero itinuring nʼyo kaming hindi sa inyo, at parang hindi nʼyo pinamumunuan.

Gawa 14:19-28

19 May mga Judiong dumating mula sa Antioc na sakop ng Pisidia at sa Iconium. Kinumbinsi nila ang mga tao na kumampi sa kanila. Pagkatapos, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lungsod sa pag-aakalang siyaʼy patay na. 20 Pero nang paligiran siya ng mga tagasunod ni Jesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.

Bumalik sina Pablo at Bernabe sa Antioc na Sakop ng Syria

21 Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na sumunod kay Jesu-Cristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Lystra, Iconium, at sa Antioc na sakop ng Pisidia. 22 Pinatatag nila ang mga tagasunod ni Jesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming kahirapan ang dapat nating danasin para mapabilang sa paghahari ng Dios.” 23 Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.

24 Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia. 25 Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. 26 Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioc na sakop ng Syria. Ito ang lugar na kanilang pinanggalingan, at dito rin sila ipinanalangin ng mga mananampalataya na pagpalain ng Dios ang kanilang gawain na ngayon ay natapos na nila.

27 Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioc, tinipon nila ang mga mananampalataya[a] at ikinuwento sa kanila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila, at kung paanong binigyan ng Dios ang mga hindi Judio ng pagkakataong sumampalataya. 28 At nanatili sila nang matagal sa Antioc kasama ang mga tagasunod ni Jesus doon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®